DISCLAIMER

Some pictures used in this BLOG are registered to their own respective institution. I, the BLOG owner, only used the images as reference pictures to further improve the entry where the respective images are being used.

-Ran Kei Shiro

Monday, December 7, 2009

Pasko na naman!




Since malapit nang magpasko, mejo gawin naman nating Christmas themed ang entry na ito. At since malamig na din ang simoy ng hangin, ilink ko na din dito ang post ni Papa Bear na Disyembre na naman


At uumpisahan ko na din ang aking entry.Alam nating lahat na ang pasko, para sa mga kristyano ay isang banal na araw. Alam din natin na para sa ibang relihiyon, walang silbi ang araw na ito. Pero bakit nga ba ipinagdiriwang at “hindi” ipinagdiriwang ng mga tao ang pasko? Sa totoo lang, napakaraming reson kung bakit, at malamang na hindi tayo matapos kung iisa-isahin ko pa kung ano ang mga iyon. Malamang din na bago ko maisip ang lahat ng reson na sinasabi ko, ay tapos na ang paskong darating at malapit na ulit magpasko for the year 2012. Kaya, mabuti pang magsabi na lamang ako ng ilan.



May tatalo pa ba sa pasko sa ‘Pinas?

Isang linya sa kanta ng isang dalagang singer ngayon na nanalo sa isang tagisan ng kakayahan sa telebisyon. Para sa ating mga Pilipino, bukod sa bertday, bagong taon, semana santa, anibersari, at kung anu-ano pang mga selebrasyon, ang pasko ang pinaka mahalaga. Bukod sa ito ang araw na ipinanganak si Hesus sa mundo (sabi sa Bibliya), eh, ito rin ang araw na nabubuo ang pamilya. Kahit na pamilya sa labas o sa loob. Ito ang pinaka hininintay ng bawat isa. Dahil sa marami ang pagkain at dahil na rin sa regalo.

Ang pasko ay para sa mga bata… lang.

Sinasabi na ang pasko raw ay para sa mga bata… lang. Dahil ito sa tuwa at saya na nararamdaman ng mga bata tuwing araw na iyon. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit kahit na pasko, ay nagtatrabaho pa rin ang mga matatanda. Dahil sa paningin nila, para lang sa mga bata ang pasko. Kumbaga, nahihirapan silang magbunyi sa araw na ito dala na rin marahil ng mga problema at mga pasanin sa buhay.

Ahhh… ye… ha…. Bwa.. mya…. (sabay ang pagpalo sa tambol na lata) o ako po ay kasapi ng samahang ganto-ganyan na kumakatok sa inyong mga puso… blah blah blah

Hindi nyo naintindihan no? Punta kayo sa kalsada, sakay kayo sa jip na papuntang Golden City, malamang na makuha nyo ang ibig sabhin nyang nasa itaas. Kung natatawa kayo, malamang ay alam nyo kung ano ang sinasabi o tinutukoy ko dyan. Oo. Ang mga badjao na bigla-bigla lamang sasakay sa jip, magaabot ng sobre na may nakalagay na “Ako po ay kumakatok sa inyong mga puso… blah blah blah” (argh! WALANG PINTO ANG PUSO KO! HINDI NAMAN BAHAY ANG KATAWAN KO NO!) tapos biglang uupo sa may bukana ng jip at maguumpisa nang humataw sa tambol na lata at PVC pipe o di kaya naman ay yung mga naka polong “tsekerd” pa at mga nakapantalon at may bit-bit na mamahalin na bag na magaabot naman sa iyo ng isang flyer na may nakalagay na “institusyon” o “samahan” na kumakalinga raw umano sa mga batang may kapansanan. Minsan, may nakalagay pang “Davao Chapter” (ay amp! Pano kayo nakarating ditto sa Laguna kung galing pa kayong Davao?). Marahil ay isa rin ito sa mga dahilan kung bakit hindi nagdadaos ng pasko ang mga nasa lansangan na ganito. Una, dahil sa sila ay walang makain at namamalimos lamang sila at pangalawa, marahil ay kailangan pa nilang lumipad(kuno) papuntang probinsya kung saan sila nanggaling. O marahil, ang pangatlong dahilan ay dahil sa sila ay kontrolado ng isang malakas na sindekato na nagbabanta sa kanila na may gagawin na masama sa kanilang mga mahal sa buhay kapag hindi sila nagtrabaho o namalimos.

Malayo sa mga mahal sa buhay kung kaya’t Christmas online na lang ang ginagawa.

Sa panahon ngayon, alam natin na hindi sapat ang sweldo sa mga trabaho sa bansa natin. Alam din natin na kaya napipilitang magsa-ibang bansa ang karamihan sa ating mga kababayan ay dahil sa mababang sweldong ito subalit napakataas na presyo ng mga bilihin. Isa ako sa mga biktima ng ganitong pamamalakad sa ating lipunan. Na, imbes na buo ang pamilya ko sa darating na pasko, eh, mukang Christmas online ang mangyayari, para lamang makapag-celebrate kami ng sama-sama. Yung tipong magoonline ka sa isang online messenger, tapos webcam lang at keyboard ang nagbibigay ng koneksyon sa inyong pamilya at sa isang kapamilya mong nasa malayong lugar dahilan sa kailangang kumita o makapag-ipon at makapag-padala ng pera para lamang mapag-aral ka at magkaroon ka ng magandang kinabukasan. Alam ko na hindi lang ako ang nalulungkot sa pasko dahil sa sitwasyon ng bansang ito. Marami pang tulad ko ang pinipilit na lamang ngumiti sa araw ng pasko o halos ayaw nang dumating ang araw ng pasko, o di kaya’y gusto nang laktawan ang araw ng pasko para lamang hindi maramdaman ang sakit, pangu-ngulila at hirap na dulo’t ng pasko. Marahil masaya nga ang araw na ito para sa karamihan, subalit para sa mga tao na ang sitwasyon ay tulad ng sitwasyon ko, isang pangkaraniwang araw na lamang ang pasko. Gigising kapag 12 na ng hatinggabi sa ika-25 ng Disyembre, magbabatian ng “maligayang pasko”, kakain ng konti pagkatapos ay matutulog na ulit. Sa totoo lang, nakakainggit yung mga taong inaabot na ng umaga sa pag-sasaya sa araw ng pasko.

Sobrang dalamhati dahil sa namatayan.

Ito ang isa sa mga pinakamabigat na dahilan kung bakit ang isang tao ay napipigilang magbunyi tuwing araw ng pasko. Alam naman natin kung ano ang pakiramdam ng mawalan ka ng mahal sa buhay hindi ba? Pano pa kaya kung nawala ang iyong mga mahal sa buhay dahil lamang sa isang papel na may nakalagay na “Certificate of Candidacy” bilang header? Hindi ba mas masakit isipin na dahil lamang sa isang 8.5 x 11.5 na papel, nawalan ka ng isang katuwang sa buhay o ng isang anak o ng isang ina o ama? Na nang dahil lamang sa isang posisyon sa gobyerno ay mawawalan ng saysay ang buhay ng isang tao? Na dahil lamang sa isang leather na upuan na de gulong sa kapitolyo ay nauwi na sa wala ang buhay ng isang hindi naman kasali sa alitan ng dalawang makapangyarihang pamilya sa isang probinsya sa Mindanao? Hindi ba napakawalang katuturan na nalagas ang buhay ng mahigit sa 50 na tao dahil lamang sa pag-aagawan ng sa “upuan” na ito? Maraming pamilya ang hindi makakapagdaos ng isang selebrasyon dahil sa pangyayaring ito. Dahil sa isang papel o sa isang pwesto na maaaring kumontrol sa isang lalawigan. Subalit, kahit sabihin natin na isang buong lalawigan ang nakataya sa isang papel o sa isang “COC” hindi makatarungan na ganito ang mangyari. Na pati ang mga taong labas sa usaping ito ay nadawit nang dahil lamang sa kasama sila sa van na kung saan nakasakay ang nagmimithi na magkaroon ng posisyon sa gobyerno. Tulad ng nakakararami, ako ay isa din sa mga sabihin na nating kumokondena sa pangyayaring ito at humihiling na sana ay magkaroon o mabigyan ng katarungan ang mga nasawi sa pangyayaring ito bago matapos ang taong kasalukuyan. Pero sa bagal ng hustisya sa ating bansa na ang motto ata ay “Pera pera lang yan”, mukang matatagalan pa itong kasong ito dahil sa ang itinuturong salarin ay kaalyado ng pinaka-makapangyarihang tao sa bansang ito. Ganito ba ang sinasabi nilang “nothing or no one is above the law”?

*****************************

Pagpasensyahan na ang aking mga hinanakit sa darating na pasko. Alam kong mayroon mas mabibigat pa ang dinaramdama kaysa sa akin, subalit, hindi ko lang maalis sa isip. Lalo pa kung ganito ang ngyari sa mga kapatid nating nawalan ng mahal sa buhay bago tumuntong ang Disyembre. Habang tumatagal kasi ay nagiging astang hayop na talaga ang ibang tao nang dahil lamang sa kapangyarihan o nang dahil lamang sa pera. Alam ko na mahirap ang ating bansa, subalit, hindi dahilan ang kahirapan upang pumatay ka ng mga tao. Hindi ito dahilan upang ang ipakain mo sa iyong pamilya para sa araw ng pasko ay galing sa kasamaan. At lalong hindi ito dahilan upang makipagsabwatan ka sa isang nasa mataas na posisyon sa gobyerno upang mapawalang-sala ka sa iyong ginawa. Mas masarap pa din ang paskong wala ka nang handa pero kasama mo ang iyong pamilya kesa sa magarbo nga ang handa mo sa hapagkainan sa pagsalubong mo sa pasko, eh, galing naman sa kasamaan at pagdanak ng dugo ng mga taong walang kinalaman sa alitan nyo ang ginamit mong perang pambili sa mga pagkaing iyon.

Malamig man ang paskong ito para sa akin, kahit papano ay itinuturing ko pa din ang aking sarili na maswerte dahil, una, hindi kami sa Maguindanao nakatira. Pangalawa, kahit na mejo malungkot dahilan sa kulang ang aming pamilya sa darating na pasko, eh, makakausap pa din namin ang aking ama na nasa ibang bansa sa pamamagitan ng internet. Masaya pa din ako dahil kahit na wala akong girlfriend sa mga pahanong ito, ay mabibili ko naman ang mga laruan na gusto ko. J

At dahil sa hindi ko na alam kung paano ko tatapucn ang entry na ito… Bigla nlang akong mawawala… Pero bago iyon, gusto ko kayong batiin ng Merry Christmas. Nawa’y tama ang inyong magiging hiling para sa taong ito. Tama para sa sarili ninyo, at tama para sa sangkatauhan.




No comments:

Post a Comment