DISCLAIMER

Some pictures used in this BLOG are registered to their own respective institution. I, the BLOG owner, only used the images as reference pictures to further improve the entry where the respective images are being used.

-Ran Kei Shiro

Wednesday, December 23, 2009

Christmas RUSH!

Isang araw nalang ang kailangang lumipas at pasko na nman. Tulad ng ibang mga nakaraang taon, malapit na namang matapos ang isang taon. Isang taon na namang hindi magkikita-kita ang mga magkakaibigan at isang taon na naman ang dadagdag sa panahong inilagi mo dito sa mundo. Pero bago matapos ang taon, xempre, hindi naman nating pwedeng laktawan ang Pasko at dumiretso nalang sa Bagong Taon. Xempre kailangan muna nating ipagdiwang ang kaarawan ni BRO. At jan pumapasok ang entry na ito. Enjoy!


Christmas rush, isa na ata ito sa mga pinakahindi maiiwasang mga pangyayari sa mga oras at panahon na tulad nito. Dahil sa mga reson na hindi maiiwasan, karamihan sa mga nagttrabaho ay ngayon pa lamang kumikilos upang mamili ng mga sankap na gagamitin nila para sa kanilang ihahanda sa Noche Buena. Pero anu-ano nga ba ang mga dahilan (maliban sa kailangang mamimili ng mga ingredients para sa lulutuin) ng pagkakasangkot ng isang tao sa pagkakagulong tinatawag nating "Christmas Rush"? Isa-isahin natin.


Ayon sa aking napagalaman, pinaka-unang reson dito ay ang... *drum roll*


Nakalimutang bumili ng regalo para sa isang inaanak.
Pinaka-madalas na atang insidente ito sa buhay ng isang tao. Ang pagiging makakalimutin. Kahit ako ay madalas na makalimot ng iba't-ibang bagay. Subalit, ito rin ang isa sa mga pinaka-dahilan kung bakit kailangan ng isang tao na makipagsik-sikan sa supermarket o sa mga palengke. Kahit na tiisin na ang amoy ni manong na parang hindi naliligo. Dahil sa nakalimutan mo ang isa sa iyong mga inaanak, kailangan mong humabol sa huling araw bago ang pasko. Kailangan mong makipagsik-sikan. Kailangan mong makipagtulakan, at higit sa lahat, kailangan mong makipagbaratan. Dahil sa ito lang ang dahilan mo upang pumunta ng Department Store na ang tinutugtog lagi ay "we got it all for YOU!", iniisip mo na pera nalang ang ibigay. Pero pag naiisip mo naman ang mga magugulang na magulang ng iyong inaanak, napapaisip ka ulit kung talaga bang pera nalang at hindi na regalo ang iyong ibibigay sa kawawang bata na hanggang sa mga oras na ito ay wala pa palang regalo na manggagaling mula sayo. Kaya, sa ayaw mo man o sa hindi, kinakailangan mong tumayo mula sa iyong pagkakahiga at itigil ang iyong pagkakamot ng tiyan para lamang mabigyan ng saya ang batang iyon.


Kadadating lang ng Christmas BONUS kung kaya ngayon lang mamimili ng mga bagong damit.
Para sa mga nagtatrabaho, isa sa mga pinakamahalagang insentibo na natatanggap nila ang Christmas Bonus. Ito ay ang karagdagang pera na ibinibigay sa mga kawani ng isang pang-gobyerno man o pang-pribadong sektor bago dumating ang Pasko, well kaya nga tinawag na BONUS di ba? Pero, sa hirap ng panahon ngayon, mayroong mga kompanya na hindi na nakakapag-bigay ng nasabing bonus. Dahil sa patuloy na pagbagsak ng ekonomiya dito sa ating bansa, malamang na sa mga susunod na taon, baka gobyerno nalang ang makapagbigay ng insentibong ito. Pero, huwag naman sana. Isa rin ang Christmas bonus sa mga dahilan kung bakit kailangan ni nanay o ni tatay na makipagsik-sikan sa mga taong maaantot na sa mga Department Stores at supermarkets. Dahilan sa huli nang ibinigay ang Christmas bonus, wla silang magawa kundi ang mataranta dahil sa dami ng kailangan pa nilang bilhin at gawin. Kailangan pang ibili ng bagong damit si Junior, kailangan pa ni Nene ng bagong palda o di kaya'y kailangan pa ni Baby ng bagong mga mittens para mag mukang presentable pag humarap sa kanyang mga ninong. Pero, kung wala ka naman nito, ay wala ka na ding magagawa kundi ang umasa na kahit papano, ay may matanggap ka mula sa mga pulitikong manunuyo sa inyong sektor. At yan naman ang pangatlong dahilan kung bakit kailangang dumagsa ng mga tao sa Christmas Rush ang....


Katatapos lang ng Christmas Party.
Normal na sa ating bansa ang selebrasyon ng isang panggobyerno man o pang-pribadong sektor tuwing sumasapit ang kapaskuhan na tinatawag na Christmas Party. At siguro naman alam na natin kung ano ang ibig sabihin ng Christmas Party di ba? Ito yung pagsasaya sa pagtatapos ng klase sa bwan ng Disyembre at pagsisimula naman ng dalawang linggong Christmas Vacation. Sa sobrang tagal nang ginagawa ng isang bata ito, umpisahan mo sa grade one, masyado nang gasgas ang mga tugtog na nagagamit. Dahil nga sa huling bwan na ang Disyembre sa kalendaryo, kahit sabihin mo mang bago palang ang tugtog, dahil mga isa o dalawang bwan pa lamang itong nailalabas sa mercado, eh, sawa na ang mga tenga sa pakikinig nito. Isa ito sa mga dahilan kung bakit nadadawit sa Christmas Rush ang isang tao dahilan sa, sa mga ganitong party kadalasang nagsusuhol - este nagbibigay pala ng mga pampalapad papel nila ang mga pulitiko. Lalo ngayon na mageeleksyon sa 2010. Ito na kasi ang isa sa mga pinaka malaking pagkakataon nila upang tuluyang magpabango sa mga boboto. Lalong lalo na sa mga bagong botante pa lamang na nagkataong kasali sa Christmas party ng isang kompanya. Madalas kasi, kinakailangang pumunta ng isang kawani sa mga ganitong pagdiriwang dahil na rin sa mga pinamamahagi. Ikaw ba naman, bigyan ka ng isang Noche Buena package, hindi ka pupunta? Mejo gasgas na din dito ang mga paraan ng pulitiko na sinasabing "Maligayang pasko po, at magkita po tayo sa eleksyon ha." sabay kindat at papicture. So, in the end, walang magagawa ang mga tauhan ng isang kompanya o sektor kundi ang magpakahirap sa Christmas rush sa isa pa ring dahilan na gasgas na gasgas na... ang mga salitang "REQUIRED o COMPULSARY"


Nagkaroon ng EMERGENCY meeting para sa mga project for next year.
Sa totoo lang, sa kakaunting tao lamang nangyayari ito, pero, since na alam din naman natin na madalas itong mangyari sa kanila, eh, isinama ko na rin. Ano nga ba ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin lang nito ay ipinatawag ka upang makinig sa walang kwentang sermon ng boss mo, na sa bandang dulo ay mauuwi din sa wala dahil nireject din nya ang suggestion ng lahat ng kasali sa meeting na sya mismo ang nagpatawag. Sa mga panahong ito kasi, masyado nang nagiisip ang mga CHAIRMAN o OWNER ng mga business firms na bumubuhay sa mga kababayan natin na may sobrang taas na pangarap sa buhay. Sa mga panahong ito rin, ipinapasa ng mga nasa UPUAN ang kanilang mga responsibilidad papunta sa kanilang mga empleyado, na pati na ata pamimili para sa kanilang NOCHE BUENA ay ipinasa na sa driver nila. So, in the end, ganun din ang mangyayari tulad ng mga naunang mga dahilan, mahuhuli at mapapasama sa Christmas Rush ang mga nagkakaroon ng dahilan na tulad nito.


At ang huling naiisip ko ay...


Huli na ang pagdedeliver ng remittance para sa iyong pamilya.
Applicable lamang ang huling dahilan na ito para sa mga kababayan nating merong mahal sa buhay na sa ibang bansa nagtatrabaho. Dahil sa hindi tulad dito sa atin ang sweldo nila, minsan, wala na ring magawa ang mga kababayan natin sa ibang bansa kundi ang mangutang. Para lamang may maipadalang panghanda ng kanilang pamilya dito sa Pilipinas. Subalit sa dahilang wala pa din ang sweldo ng kanilang uutangan, napipilitan na lamang silang intayin ang sariling sweldo at iyon ang ipadala sa kanilang mga mahal sa buhay dito sa ating bansa. To the point na ang dating ng remittance nila ay alas-otso na ng gabi ng ika-24 ng Disyembre kung kaya't ang nangyayari ay kinabukasan na lamang naghahanda o di kaya ay halos manakbo na papunta sa pinakamalapit na supermarket at magluto sa sampung kalan para lamang maihabol ang kanilang kakainin para sa Noche Buena.


Sa ngayon, ito ang mga naiisip kong DAHILAN kung bakit napapasama sa Christmas Rush kahit ang mga nakapamili o nakapaghanda na ng mga gagamitin nila para sa ika-12 ng hatinggabi ng a-bente kwatro ng Disyembre. Subalit, ito ay lima lamang sa mga pinaka-dahilan ng tao. Marahil, mayroong sumangayon sa mga dahilan na ito, at marahil ay mayroon ding magisip kung dahilan ba talaga ito at sabihin sa kanilang mga sarili na hindi naman totoong dahilan ang mga ito kundi mga palusot lamang. Pero bago nyo sabihin iyon, itatanong ko muna ito sa inyo. Sa panahon ngayon na mahigit na sa limang bilyon ang populasyon sa buong mundo, sigurado ba kayo na ang lahat ng tao ay namumuhay ng katulad ninyo? Sigurado ba kayo na ang lahat ng taong iyon ay nakakakuha ng kanilang pangangailangan bago o sa takdang oras na kailangan nila iyong mga bagay na iyon?


Mahirap makakuha ng mga kailangan mo o nung mga kinakailangan mo bago o sa takdang oras. Subalit, alam natin na hindi tayo pababayaan noong nasa itaas. Kung kaya't kahit na salantain tayo ng mga bagyo, mga baha, mga pagputok ng bulkan o mga lindol, paktuloy pa din tayong tumatayo. Kahit na nadapa na tayo ng kung ilang beses, ay patuloy pa din tayong tumatawa. Kahit na nasaktan na tayo ng mahigit sa kaya nating bilangin, ay patuloy pa din tayong nagsasaya.


Hindi man ganoong kasarap ang pagkain ninyo sa darating na ika-12 ng hatinggabi ng ika-24 ng Disyembre, basta buo ang pamilya mo, o kasama mo sila, magpasalamat ka na. Dahil hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng ganyang pagkakataon. Hindi mo man nakuha ang babaeng gusto mo o ang mga laruan o gadgets na pinagkahiling mo sa taong ito, isipin mo na hangga't ay nakaalalay sayo, at hangga't may buhay, may pagkakataon ka na maangkin ang gusto mo, sa hirap at sa tyaga. Wala man kayong enggrandeng handaan o magagarbong decoration at pagkain sa bahay ninyo, kahit isang balot lang ng pandesal na halos dalawang araw nang nakatabi sa inyong refrigirator, ayos lang. Hangga't kasama mo ang pamilya mo, hangga't tumatawa kayo, hangga't alam mong masaya kayo at hangga't buo kayo, makakamtan mo din ang mga gusto mo. Hindi man ngayong bago mag pasko sa taong ito, sa mga susunod na pasko, maaaring ibigay na ni BRO sayo. Pero hanggang sa makuha mo iyon, wag kang tumigil na mangarap. Wag kang tumigil na magasam. Wag kang tumigil na magsikap. Dahil sa panahong ito na halos lahat ay posible na, ikaw nalang mismo sa sarili mo ang gagawa ng imposibleng bagay na hindi mo matatamo.


Sa ngayon, hindi ko man nakuha ang mga gusto ko, alam kong may tamang oras upang makuha ko iyon. Kaya't hanggang makuha ko iyon, o kahit matapos na makuha ko iyon, patuloy akong aasa na sa kabila ng paghihintay ko, gagawa at gagawa ng paraan ang nasa itaas upang sumaya ako sa buhay na pipiliin ko at sa landas na tatahakin ko.


At sa inyong lahat na makakabasa nitong entry na ito, Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon! Nawa'y maging masaya tayong lahat sa susunod na taon. At nawa'y hindi tayo tumigil sa pagtitiwala kay BRO. Muli, maligayang pasko!

No comments:

Post a Comment