ANG SABI KO SA PLURK KO, "MAMAYA, SINCE 1:54 AM NA, PA AKO MAGPOPOST NG BAGONG ENTRY SA BLOG KO". NGUNIT, SUBALIT, DATAPWAT, MAY NAKITA AKONG ISANG POST SA AKING MABUTING EHEMPLO NA NAKAPAGTRIGER NG AKING PAGKAMALIKHAING KAISIPAN AT NG MGA MASKELS (muscles) KO SA MGA DALIRI NA WALA NANG GINAWA KUNDI PUMINDOT NG MGA LETTER AT NUMERO SA KIBORD NG AKING KA-LAPTAPAN.
Tapos na naman ang isang laban ni Pacquiao. At hanggang sa mga oras na ito, malamang sa malamang na mayroon pa ding mga nagbubunyi dahil sa nanalo sila sa pustahan nila sa kanilang mga kapitbahay na pumusta kay Cotto at dati ring pumusta kay Hatton. At natural, mayroon pa ding mga nagsisisi dahil sa hindi sila pumusta kay Paquiao. Well, congrats kay Pacquiao. Pati si Kim, umalma kahapon nung napagusapan naming yung laban nila Kuto at Pakyo sa jip. Umpisahan na ang kawalang kabuluhang post na ito. Sabi nga ni Mani Pakyo, Watir is gud, bat pur mi, dhers samting mats bitter, yu kno?
Para dun sa mga hindi nakakaalam, graduating na ang inyong walang kwentang lingkod. Huling umaatikabong semester ko na ito sa kursong Computer Engineering. Oo, sa wakas! Pagkatapos ng labing-limang (15) taon sa pagpasok sa paaralan ng walang pahinga kundi ang bakasyon lamang, makakatapos na rin ako sa wakas. Pero, ano nga ba ang hirap ng isang graduating student na tulad ko?
- Problema sa Thesis Documents + Thesis Prototype
Para sa mga hindi nakakaalam kung ano ang isang thesis document, ipapaliwanag ko. Ito ay yung mga dokumento na kailangan ng isang estudyante na naka-enrol sa thesis para depensahan ang kanilang (kaniyang) thesis prototype. At dahil sa isa akong Enhinyero ng mga Kompyuter, mejo pinagsama-samang proyekto mula mga kurso sa *** ang kasama sa aming thesis. Pwera sa pagluluto. At dahil sa graduating na kami, halos wala na kaming bakasyon sa Disyembre. Sa umpisa pa lang ng pasukan, kailangan na agad na ipasa ang isang daang porsyento ng aming proyekto. Kasama na rin ang baku-bakong document ng aming thesis. Kung hindi, malamang na hindi kami makagradweyt o kahit makapagsuot man lang ng itim na toga sa katapusan ng semestreng ito.
2. Dahil mas konting araw ng pasok, mas kakaunting ipon
Para sa isang katulad ko, na umaasa lamang sa baon para sa kanyang panggastos sa pambili ng mga laruan na gusto nya at pangsustento sa online na laro nya, mahirap magkaroon ng tatlong araw na pasok sa loob ng isang linggo. Bukod sa nakakatamad dahil mas marami pa ang araw na walang pasok kesa sa araw na may pasok, mas mahihirapan din akong magipon ng pera para mabili ang mga gusto kong bilin. Sasakit din ang ulo ko sa kadahilanang malamang sa oo na hanggang buong dalawang araw akong nakatitig sa LCD monitor ng aking laptop, nagiinternet. Siguro nga masarap ang buhay na ganito. Pero mas masarap ang buhay na may pera. Di ba? Ang umangal, itatali ko sa poste at lalagyan ko ng sandamukal na pulang langgam sa shorts. Bahala kayong mangamatis yan. Hahaha.
3. Pag-aalala sa kung anong trabaho ang makukuha
Sa panahon ngayon, na halos lahat, nasa recession, nag-aalala na talaga ako kung anong trabaho pa ang makukuha ko pag gumradweyt ako. Sa mga panahong ito, alam natin na madaming job mismatch na nangyayari para lamang magkatrabaho at tumulong sa pamilya, pero, baka sa oras na gumradweyt ako, baka pati job mismatch wala na din. Sa sobrang dami ng mga naghahanap ng trabaho, at sa sobrang unti ng mga pwedeng pagtrabahuhan, baka pag dumating na yung oras namin na tumanggap ng papel na nakarolyo at may nakalagay na “DIPLOMA” sa may banding taas, malamang na wala na ding maging silbe iyon dahil sa nangyayari sa bansa. Doon sa mga gagradweyt din na tulad ko sa dadating na taon, siguradong mayroong mga titiisin nalang kahit ang magpaalila sa mga mayayaman na malalaki ang tiyan at tumatalo ng “INDAY” para lamang magkaroon ng ipangkain at ipangsuporta sa pamilya. Hindi sa minamaliit ko ang trabahong iyon, marangal na trabaho iyon, pero wag nalang nating isama yung amo sa marangal, pero, mas ayos kung gagamitin mo yung napagaralan mo. Yung tipong kapag tinanong ka sa interbyu ng isang yaya, ang isasagot mo ay mga kods sa Biswal Beysik o sa Dyaba.
- Problema sa babae o lalaki, in short Lovelife
Malamang natatawa kayo sa mga nababasa nyo. At hanggang dito, malamang na humahagalpak kayo sa tawa. Sige lang tawa lang. Kakarmahin din kayo. Hehehe. Itatanong nyo siguro sa mga sarili nyo habang nakaupo sa mga nagiinit na upuan o sahig at binabasa ito kung bakit naging problema ng isang gradweyting na estudyante ang problema sa pag-ibig. Sige, ipapaliwanag ko. Kahit na ako mismo ay olats pagdating dito. Kung iisipin natin, ano ba ang pinaka-nakakagulo sa pag-iisip ng isang tao? Bukod sa pamilya, sa pera, hindi ba pag-ibig na ang susunod dun? At kapag iyon na ang pinroblema mo, panigurado, sira ang diskarte mo sa lahat ng bagay. Malamang din na hindi ka makakain para lamang iteks ang iyong irog, palangga, kasintahan, GF/BF, girlfriend/boyfriend, nobya, syota, lengua es tofada, pasta, tuna in oil, o kagums-to-gums ng isang damukal na sorry o para mas nakakaantig ng puso, paumanhin o patawad (mas mahaba nga naman kesa sorry). Na maaari ring maging dahilan ng pagbaba ng iyong mga grado sa eskwelahan. At pag-aalala na baka bumagsak ka sa iyong mga asignatura kung kelan pang gradweyting ka na.
- Araw-araw, oras-oras, segu-segundong itinatanong sa sarili kung “Gagradweyt ba talaga ako?”
At dahil sa nakarating ka sa puntong ito, pumasa ka sa mga naunang mga asignatura mo sa eskwelahan. Malamang na sumipsip ka din sa iyong guro at halos pumayag mapisil ka ng propesor o titser mong berde ang dugo sa balikat o sa biceps para lang pumayag na pirmahan ang iyong clearance ng walang kung ano pa mang requirement o pirma ng inyong presidente sa subdyek na yun. Malamang din na narinig mo na ang iyong mga kaklase na pinaguusapan ang inyong guro na may asawa na at sinasabing gusto nilang makatabi sa pagtulog ang gurong iyon. At lalong malamang na nasermunan ka na ng iyong guro sa kadahilanang lagi kang nakatingin sa labas ng bintana at pinapanood ang mga tao na naglalakad habang wala ka namang maipasang gawaing bahay o homework. Sigurado din ako na bumagsak ka na ng kung ilang ulit sa major exams mo sa mga subjects mo at halos mahimatay na ng paghihintay ng deliberasyon o ng grado mo para sa buong semester. At sa mga oras na ito, nagtatanong sa iyong sarili kung talaga bang gagradweyt ka. Kung oo ang sagot mo sa lahat, ang swerte mo naman! Akalain mong kaparehas ng naranasan ko ang naranasan mo. Hahaha. Hindi mo maaalis sa isang estudyante na ganyan ang maramdaman. Pagkatapos ba naman ng kung ilang pagsusulit, proyekto, resitasyon at gawaing bahay na ibinato sa iyo ng titser o propesor mong halos lagi nalang nakikipag-tsismisan sa labas ng klasrum nyo. Tatlo nalang ang nakikita kong dahilan kung bakit mo hindi itatanong yan. Una, sigurado kang sumipsip ka na ng todo at sobra pa sa iyong mga guro para lamang ipasa ka nila sa kanilang mga subject ng walang kahirap-hirap. Ang pangalawa, sigurado kang ang lahat ng kinopya mo sa katabi mo noong habang nagsasagot kayo ng inyong pagsusulit, mahaba man o maikli ,at noong nagsasagot ka ng iyong eksaminasyon ay tama. Sa makatuwid, isa kang parasitikong nasa labas. Hehehe. At ang huli, ang pangatlo, anak ka ng may ari ng iskul at sa oras na ibinagsak ka ay maaaring masipa sa inyong eskwelahan ang titser mong ang pagtuturo lamang ang tanging pinagkukuhanan ng pangtustos sa kanyang sanggol pa lamang na anak. Kung nasa tatlong iyon ang dahilan mo, sige, kumbinsido na akong hindi ka nga kinakabahan.
----------------------------------------------------
Sa totoo lang, mahirap ang buhay ng isang gradweyting na estudyante. Mas mahirap pa kung nasa kolehiyo ka. Kung sa high school, mejo tsill ka lang, at sa elementary, basta pumasok ka at makinig ka sa mga itinuturo sa inyo, eh papasa ka. Sa kolehiyo hindi ganoong kadali. Sipag at tyaga ang kailangan. Kailangan ding magbuwis ng buhay ng mga lamok habang sinisipsip nila ang iyong dugo at pinapatay mo naman sila sa pamamagitan ng paghampas ng kamay habang nagawa ka ng assignment mo. Kailangan ding tumagas ang pawis mo sa pagreresearch at pagngongopya ng sagot habang nagbabantay ang titser mo sa harap nyo. At ang pinakamasaklap, kailangan mo ding bumili at magpaxerox ng mga modyul na gagamitin ng isang araw at pagkatapos ay itatambak nalang sa kwarto. Lahat iyon ay kailangan mong maranasan at indahin para lamang makaabot sa puntong katulad ng inabot ko at ng mga nauna sa aking. Mahirap, pero, magpasalamat ka nalang kay BRO kung makalusot ka sa mga dapat lusutan. Magpasalamat ka nalang din at kahit papano, nakakabangon ka pa din kahit may mga kaklase kang pilit kang ibinabaon sa masasamang salita nila laban sayo. Magpamisa ka. At mag-novena. At ang pinaka-dapat mong gawin, magpasalamat ka sa iyong mga magulang. Kahit na sabihin mo pang ikaw ang nagpaaral sa sarili mo, magpasalamat ka pa din! Dahil kung hindi sa kanila, malamang wala ka sa kinalalagyan mo ngayon, at wala ka ding nakuhang ganyang karangalan sa paaralan.
Mejo mahaba na itong post na ito. Hanggang dito na muna sa ngayon. At hanggang sa tuluyan kong makita ang pangalan ko sa “graduation list” sa eskwelahan namin, malamang na itatanong ko sa sarili ko paulit-ulit yung pang-limang problema ng isang gradweyting istudent. Hehehe.
Ciao!~
No comments:
Post a Comment