red as blood
Mejo may katagalan na din nung huli kong naiupdate ang blog ko. Sa kadahilanang madaming dahilan. (Nangloloko na ata ako ah) Isa na rito ang thesis works na dapat tapusin. Ang mga assignment na dapat gawin. At ang mga exam na dapat paghandaan. Marami ding dapat ayusin sa buhay estudyante ko. Lalo pa ngayon na graduating na ko. Isina-isang tabi na muna ang lovelyf. Pero hindi ang mga “hobby”. Itinigil muna ang panonood ng T.V., pero hindi ng mga anime na nadownload ko sa internet. Pero hindi tungkol sa buhay ang topic ko sa aking pagbabalik sa webpage na ito. Kundi ang buhay na nararanasan ng karamihan o dpat ko bang sabhin na nararanasan ng lahat kapag nasa kalye o kalsada na. So, bago ko makalimutan ang mga dapat kong sabhin sa entry na ito, sisimulan ko na.
Sa ating pangaraw-araw na buhay, hindi maaaring hindi tayo lalabas ng bahay. Upang mamili, o upang magliwaliw sa lansangan. At dahil dito, madalas na ang isang buong araw ay nauubos lang sa labas ng ating bahay. Subalit, hindi nyo ba napapansin, kung dati, ang mga naririnig nyo lang nagmumurahan sa kalye ay ang mga lasing na nagiinuman sa may tindahan, o ang mga drayber na nasingitan sa pila o naunahan sa pasahero, ngayon, meron nang bagong umeeksena sa daan. Madalas, humaharurot sila at kahit na naka-helmet pa, madalas pa din silang nadidisgrasya. Ang tinutukoy ko ay ang mga WAVE SCOOTERS o yung mga motoksiklo na kaya lamang magsakay ng hanggang sa dalawang tao. Pero ano nga ba ang mga sasakyang ito?
Ang mga WAVE SCOOTERS o motorcycles ay isang motorcycle series na ipinakilala ng Honda noong 1995, subalit ito ay nagumpisang maging sikat noong bandang 2002. Sa kadahilanang madali itong gamitin, at ideal para sa mga napasok sa pabrika, ito ay naging sikat kinalaunan at ginaya na rin ng mga iba pang mga nasa automotive industry. Sa kadahilanang matipid din “daw” umano ito sa gasolina, parami na ng parami ang mga gumagamit nito sa kasalukuyan.
Hindi mahirap magkaroon ng ganitong motorsiklo, bukod sa lisensya at pera para makabili, hindi na ganoong kahirap maghanap. Kahit saan kasi, kahit sa mall man o sa highway, siguradong may makikita kang establisyimyento na nagtitinda nito. Bukod din kasi sa madali lang itong manehuhin dahil di hamak na mas magaan ang mga ganitong klase kesa sa ibang modelo ng motoksiklo, mas “user-friendly” din ito. Karamihan kasi ng mga lumalabas na modelo ngayon, ay wala nang clutch o yung mekanismo na ginagamit kapag kailangan mo nang mag bago ng gear sa isang sasakyan.
Sa ngayon, padami na din ng padami ang mga nagamit ng ganitong motorsiklo. Na kahit ipinagbabawal na ng mga traffic enforcers na sumobra sa dalawa ang sakay, eh, pinipilit pa ring makalusot ng mga pasaway nating kababayan. Dahilan daw umano sa mas makakatipid sila kung ganoon ang gagawin. Subalit dahil din dito, ay parami ng parami ang mga nagiging aksidente dahil sa mga motorsiklo na ito. Dahil nga kasi sa magaan ito, mabilis itong kumuha ng akselerasyon subalit hindi ito madaling patigilin. Dahil sa hindi rin kasi ganoong kalakas ang kapit ng mga preno nito.
Maraming mga estudyante ang gumagamit ng ganitong klase ng motorsiklo sa kolehiyong aking pinapasukan. Meron din akong mga kakilala at mga kaibigan na gumagamit ng ganito. At sa awa naman ni BRO, hanggang ngayon naman, eh, wala pa kong nababalitaan na nadidisgrasya sa kanila. Pero, kung hindi sila magiingat, ay malamang na sumunod na silang tawagin ni BRO. Hindi para maging pari o kung anu man na maglilingkod at maghahatid ng mga salita ni BRO, kundi para pumunta sa tabi nya.
Sa ngayon nga, ang kadalasang maririnig mo sa mga bibig ng mga drayber, kahit sa dyip man yan o sa van o kahit na drayber ng mga naggagandahang mga sasakyan eh, “@#$%^&* mo!” o di kaya’y “nagpapakamatay ka ba?!” o di kayang “^&$*# ka ah!!” na may kasama pang turo sa animo’y lumilipad na motorsiklo na papalayo sa kanila. Dala marahil ito ng pagkainis sa mga pasingit-singit na pagmamaneho ng mga may-ari ng ganitong modelo ng motorsiklo.
Pero, kahit na mabilis ito, o matipid sa gasolina o nagpapabilis ng transportasyon natin, marami rin itong dalang panganib. Ilang tao na ang namamatay o malubhang nasusugatan mula noong maging tanyag ito dahil na rin sa hindi balansyadong estraktura nito. Katulad nga ng sinabi ko kanina, dahil sa mabilis itong umarangkada, masyado ring mahina ang preno nito kapag kailangan na ang malakas na preno upang tumigil. At dahil dito, maraming pamilya na ang nawalan ng kaanak, maraming katawan na ang naparalisa at maraming tao na rin ang naperwisyo. Dahil rin sa mga “body modification” na serbisyo na ibinibigay ng mga nagtitinda ng “accessories” para sa mga ganitong klase ng motorsiklo, mas nagiging delikado na din ang sumakay sa mga ganitong motor. Lalo na kung yun nga, naiba na yung estraktura.
Hindi masama mapabilis ang transportasyon natin mula sa isang lugar papunta sa isa pang lugar, lalo na kung nagmamadali tayo. Subalit, hindi rin tama na ilagay natin ang ating buhay at ang buhay ng ating pasahero dahil lamang sa isang bagay na maaari nating iwasan kung tayo ay magiingat lamang. Habang natagal kasi, sa mga barangay, mas nadami ang mga kabataan na nagmamaneho nito ng walang lisensya, safety gears o kahit helmet man lang. At imbes na bagalan nila ang kanilang pagmamaneho dahil sa wala sila ng mga ito, eh, parang “byaheng langit” talaga ang hinahabol nila.
Kaya kung dati, na ang hari ng kalye o ng kalsada dito sa Pinas ay ang mga dyip o PUJ, sa ngayon, natalo na sila ng mga di hamak na mas maliliit na sasakyang ito. Napatalsik na sila sa kanilang inaanay na trono, at sa ngayon, sa tingin ko, wave na ang mga hari ng kalsada. Hindi na mga BUS, hindi na mga TAXI, hindi na mga PRIVATE VEHICLES, at lalong hindi na ang mga JEEP o PUJ. Kundi ang mga maliliit, magagaan at nakakamatay na mga WAVE SCOOTERS na.
Ikaw, ano ang pipiliin mo? Makatipid ng konti sa pamasaheng ginagastos mo sa araw-araw pero ilagay sa alanganin ang sarili mong buhay, o ang gumastos na ng higit sa isang-daang piso araw-araw para lamang sa pamasahe pero sigurado kang makakauwi ka ng buo at may buhay sa iyong pamilya? Ikaw ang mamili. Ikaw ang magpasya. Dahil sa bandang huli, buhay mo pa rin yan, at hindi buhay ng iba.
-- END
No comments:
Post a Comment