Babala: Ang entry na
ito ay para lamang sa mga kapwa ko Pilipino at wala po akong balak na i-translate ito sa ingles o kahit sa anu
pa mang ibang lenggwahe maliban sa Filipino.
Warning: This entry is
exclusively for my countrymen and I don’t have any intention whatsoever of
translating this to English or other language other than Filipino.
Independence is a condition of a nation, country, or state in which its residents and population, or some portion thereof, exercise self-government, and usually sovereignty, over its territory. The opposite of independence is dependence. (galing kay Pareng Wikipedia)
Hunyo na naman, bukod sa tag-ulan at umpisa ng pasukan, eh,
mag-aaraw na naman ng kalayaan. Ang tanong ko lang, malaya na nga ba tayo?
Totoo nga bang hindi na tayo nakadepende sa ibang nasyon, sa ibang kultura, sa
ibang lahi?
Para po sa mga hindi nakaka-alala, ang kasarinlan o pagiging
independyente (parang politiko lang)
ng Pilipinas (kuno) mula sa ibang
lahi ay naganap noong ika-12 ng Hunyo taong isang-libo, walong-raan, syamnapu’t
walo (pahid ng pawis sa noo). Ito ay
ginanap sa Kawit, Cavite (na noo’y Cavite
II el Viejo, kung ano man ang ibig sabihin nya’y hindi ko alam), at ang
nagproklama nito ay ang unang Presidente ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo (para po sa karagdagang impormasyon, kung
maaari ay magpunta lamang sa www.en.wikipedia.org).
Pero, subalit, ngunit, datapwat muli kong itatanong, totoo
nga bang malaya na ang aking lupang sinilangan? Ang lupang ipinaglaban ng aking
lahi? Ang bayang aking kinagisnan? At ang inang kumalinga sa aming mga
Pilipino?
Kung inyong matatandaan, ang Pilipinas ay sinakop ng mga
dayuhan noong unang panahon. Noong wala pang kakilanlan ang mga Pilipino. Noong
wala pang MyPhone o Cherry Mobile na nagagawa.
Unang sumakop sa atin ang mga kastila, mga taong galing pa
sa kabilang dako ng mundo. Mga taong ang turing sa mga Pilipino noo’y mga alipin
lamang, mga taong tumuring sa ating mga ninuno bilang mga INDIO o mga taong
walang alam. Mula sa mga ito, natuto tayo ng sabong na hanggang ngayon ay isa
sa mga pinakapopular na laro o sugal dito sa Pilipinas. Natuto tayong magsalita ng
Kastila, bumilang ng Kastila at ma-isip ng parang Kastila. At sa wakas, pagkaraan
ng ilang daang taon, pagkabulok ng mga buto ng mga namayapa dahilan sa bala ng
mga bayoneta, pagkatapos magumpisa at matapos ang hindi mabilang na mga
rebolusyon, at pagkatapos mamatay ng magigiting nating bayani, natapos din ang
kanilang pang-aalipin sa ating bansa. Pero, malaya na nga ba tayo?
Sumunod sa mga Kastila na galing sa Yuropa (Europe) ay ang mga puti o ang mga
Amerikano. Hindi kasing tagal ng pag-sakal ng mga kastila sa ating bayan ang
ginawa ng mga Amerikanong ito. Subalit mas matindi pa sa mga Kastila ang naging
impluwensya nila sa ating pang-araw-araw na kabuhayan. Ang kanilang lenggwahe, naging
pangalawa nating lenggwahe, minsan nga, mismong mga laki dito sa Pilipinas,
hindi marunong mag-salita ng Filipino hanggang sa makatuntong sa paaralan. Ang
kanilang letra ang ating naging letra. Ang kanilang mga bukang-bibig at ating
mga naging pang-araw-araw na sambit. Ang kanilang mga pagkain, panoorin, at
nakagawian ang ating hinahanap. Ang kape na pangunahing inumin ay binibili pa natin sa halagang 100 piso
kada isang tasa. Ang kanilang mga masasamang ugali, pati iyon ginagaya na din
natin. Ngayon, sa tingin nyo ba malaya na tayo?
Ang huling bansa o nasyon na sumakop sa atin na naging parte ng ating
kasaysayan at napasulat sa mga librong ipinapamahagi sa ating mga paaralan ay
ang mga Hapon. Mga singkit na asyano. Masabi ko lang, inaamin kong gusto ko ang
kanilang kultura, ang kanilang mga nakagisnan at ang kanilang mga kagawian.
Subalit hindi ko pa rin ipagpapalit ang pagiging Pilipino ko. At isa pa, hindi
naman yun ang isyu dito kaya hindi ko na din pahahabain pa ang eksplinasyon ko
sa bagay na ito. Mabalik tayo, ang mga Hapon ang isa sa tatlong nasyon na
sumakop ng tuluyan sa ating bayan. Ayon sa aking mga natutunan noong ako ay
nasa elementarya pa lamang at sa aking mga napanood na nagkukwento ng panahong
iyon, mahigpit at brutal ang mga Hapon. Marami ang nakitlan ng buhay noong mga
panahong iyon. Marami din ang naabuso ng mga taong ito subalit kung hihimayin
natin ang kasaysayan ng Pilipinas, hindi kasing laki ng impluwensya ng mga
Amerikano ang impluwensya ng mga Hapon. Maliban sa Anime’, mga laruan, kaunting
pagkain at kaunting mga salita, wala na akong maisip pang malaking kontribusyon
ng mga Hapon sa ating kultura. Ngunit, kung tatanungin kitang muli, sa tingin
mo ba malaya na talaga tayo?
Bukod sa tatlong ito, marami pa ding mga bansa ang nagbalak
na sumakop sa ating bayan. Yun nga lang, hindi tuluyang nasakop ang buong
Pilipinas kung kaya’t hindi na natin iyon masyadong napagtutuunan ng pansin.
Bakit nga ba? Ano nga ba ang gandang nakikita ng ibang bayan sa Pilipinas kaya’t
naaakit sila? At pagkatapos nilang umalis sa lupang pagmamayari ng mga
Pilipino, ibig sabihin ba noon, malaya na tayo?
Nag-aral ako ng iba’t-ibang leksyon sa loob ng
humigit-kumulang labin-limang taon. At sa mga taong iyon, bibihira kong nakita o narinig na ang ginagamit na lenggwahe ay Filipino. Sa totoo lang, mas hindi pa nga
pinagtutuunan ng pansin ang mismong salita natin. Ito marahil ang impluwensya
ng mga nasabing nasyon na sumakop sa atin. Hanggang ngayon, nakanga-nga pa rin
tayo sa kung ano man ang ibibigay sa atin ng Amerika, Japan at kung anu-ano
pang nasyon na pinapalabas na ginagawa nila ito sapagkat tayo (ang Pilipinas) ay kaalyansa nila laban
sa kung anu-ano mang problema ng mundo. Pero hindi nyo ba napapansin, nagiging
basurahan nalang tayo. Oo nga’t may araw tayo ng kalayaan pero hanggang ngayon,
kahit na lumipas na ang 100 taon, hindi pa rin naman tayo malaya mula sa mga
sumakop sa atin. Hanggang ngayon, masasabi kong karga-karga pa rin tayo ng
estatwang tanso na may sulo sa kanang kamay at libro sa kaliwa, ang pangalan,
Lady Liberty. Hanggang ngayon ay naka-asa pa rin tayo sa mga hinga at salita ng
mga puting taong ito na minsa’y sumakop sa atin. Hanggang ngayon, kahit na nakalipas
na ang ilang daang taon at namatay na ang ilang milyong kababayan natin at may
pumalit nang ilang milyon pa ulit. Wala pa rin, naka-asa pa rin tayo sa kanila.
Ngayon tatanungin kita, malaya na nga ba tayo? Malaya na nga ba ang Pilipinas?
Malaya na nga ba ang mga Pilipino? Para sa akin, hindi.
Maaaring para sa ilang makababasa nito, ang mga nakalagay dito ay walang
kwenta, nonsense ika nga. Pero mas gugustuhin
ko pang mawalan ng sense ang
sinasabi ko, kesa magkunwari ako sa sarili ko na malaya na ang bayan ko at
magbunyi dahil lang sa binibigyan o binentahan tayo ng mga kaalyansa nating bansa ng mga 2nd hand na mga barko, mga
tangke, at mga helicopter. Hindi kasi
ako isang hypocrite na tulad ng
karamihan sa mga namumuno sa ating bansa sa ngayon. Kaya imbes na Happy Independence Day ang bati ko sa
aking minamahal na bayan. I hope you will
truly be independent nalang ang sasabihin ko.
*Ang mga nakasaad na bagay rito sa entry na ito ay pawang nararamdaman at naiisip lamang ng sumulat.
Walang anu mang institusyon o ibang tao ang kinakatawan nito.