The votes were casted, has been counted and tabulated. And just like other elections, the results were shown to the public.
Ganyan ko gustong simulan ang entry na ito bago ang ToyCon sa June 20. Dahil sa naiproklama na ang mga lider ng ating bansa matapos ang isang “automated” elections na kinailangan pa ding bilangin ng manu-mano. Madaming naganap na karahasan sa nakalipas na 2010 Election. Mayroon pa ring mga tanong sa ngayon na wala pa ding sagot. Kadalasan ay kung tama ba na nag automated counting tayo ngayon sa Pilipinas. Napabilis nga ang pagpoproklama ng mga nanalong kandidato, kasama na ang mga Mayor, Gobernador, mga Senador, at mga Representatibs. Subalit, napadami din naman nito ang mga nagdududa sa ginawang eleksyon. Dumami ang mga nagpoprotesta na nadaya daw umano sila at ang mga nagsasabing hindi sila nandaya at boses ng mamamayan ang umiral. Mayroon ding nagsabi na hindi sila susuko o hindi nila tatanggapin na natalo na sila sa dahilang may mga boto pang hindi umano nabibilang. Pero, sa mga pangyayaring ito, na napabilis ang pagdedeklara ng nanalo sa eleksyon, natukoy agad kung sinu-sino ang panalo at nalaman agad ng taong bayan kung ano ba ang nagawa nilang tama at pagkakamali, tuluyan na ba tayong umakyat ng kahit isang hakbang lamang papunta sa maliwanag na kinabukasan ng ating bansa?
Kamakaylan lamang ay ipinroklama na ng COMELEC o Commission on Elections na si Gng. Benigno “Noynoy” Aquino III ang bagong halal na Pangulo o President Elect ng ating bansang Pilipinas. Walang gaanong nagprotesta dito sa desisyong ito. Marahil, nakatatak na sa isipan ng mga kalaban nyang kandidato na dehado talaga sila sa labang ito. Dahil sa si “Noynoy Aquino” ay anak ng dalawang itinuturing na martir ng ating mga kababayan. Ang kanyang ama, si Ninoy Aquino na napatay noong panahon ng Martial Law at ang kanyang ina, si Presidente Corazon Aquino na pumanaw naman noong isang taon dahil sa sakit na cancer, at talaga namang sinusuportahan ng karamihan sa mamamayan ng Pilipinas. Subalit, kung paano tinanggap ng mga katunggali ni ginoong Aquino ang kanilang pagkatalo, kabaligtaran naman ang reaksyon sa kaniyang bise Presidente. Ang kanyang katambal na si Gng. Manuel “Mar” Roxas III, ay hindi tumanggap ng pagkatalo kahit na ipinroklama na ng COMELEC si Gng. Jejomar “Jojo” Binay ang nanalo sa eleksyon sa pagka bise Presidente.
Isang tanong para sa mga kumandidato at nanalo sa nakaraang eleksyon. Kung ang mismong mga lider ng ating bayan ang sumisira sa reputasyon ng Pilipinas sa mundo, sa tingin ba ninyo, patuloy tayong uunlad?
Napakaraming problema na kinakaharap ng Pilipinas sa mga panahong ito. Napakahirap ng susuungin na daan ng papasok na administrasyon. Bukod sa korapsyon, tambak-tambak na utang, kahirapan, kakulangan sa edukasyon, pagkain, trabaho at kung anu-ano pa ang dapat aksyunan sa susunod na anim na taon. Napakaraming mga problema ang nahingi ng solusyon. Pero dahil sa mga mismong lider ng ating bansa, kadalasan, ang mga problemang ito, imbis na matugunan, ay nadaragdagan pa.
May kasabihan sa Pilipinas, at alam kong alam ito ng bawat isang Pilipino. Hindi dahil sa langi itong ginagamit sa text o sa pakikipagchat sa internet, hindi rin dahil sa madalas itong sambiting ng mga tinatawag na Jejemon at mga Jejebusters, kundi dahil sa ito ay sinabi ng mismong pambansang bayani natin, si Dr. Jose Rizal. Katulad ng sinabi niya, ang kabataan ang kinabukasan ng ating bayan. Kung pag-iisipan, totoo. Pero kung pagninilayan, parang imposible. Dahil kung ang mga matatanda ang sumisira at dumudumi sa kaisipan ng ating kabataan, ano pa kaya ang kinabukasang hinihintay natin?
Mayroong isang Business sector na nagsabi kay President Elect Noynoy Aquino na solusyonan nya umano ang korapsyon sa Pilipinas sa loob ng isandaang araw. Hindi sa panig ako o supporter ako ng papasok na administrasyon, magsasabi lang ako ng katotohanan. Sana bago nila binitawan ang mga salitang ito, sana tiningnan muna nila ang mga sarili nila at nagsimula silang linisin kung ano ang kalat na ginawa nila sa lipunan, kung mayroon man. Sabi nga ni Michael Jackson sa kanta nyang Man in the Mirror, “I’m starting with the man in the mirror, I’m asking him to change his ways.” Para saakin kasi, kung gugustuhin nating talagang masugpo ang korapsyon na isa sa pinakapahirap sa bansa natin, umpisahan muna nating baguhin ang sarili natin at piliting hindi masilaw sa ning-ning ng salapi. Mayroon mga batang nakatingin at nagmamatyag sa atin at nagiisip na tama ang lahat ng ating ginagawa. Kung ang mga kabataang ito ay papakitaan natin ng kaganidan sa salapi, darating ang panahon, bukod sa wala nang magiging kinabukasan ang Pilipinas, baka kahit mismong ang pangalan ng ating bansa, limot na ng mga mismong Pilipino.
Dahil sa pagkakahalal ng mga opisyal o lider ng ating pamahalaan, maraming umaasang gaganda na ang pamumuhay sa ating bansa, maraming umaasang hindi na nila kailangan pang lumabas ng bansa at iwanan ang kanilang mga pamilya para lamang mapaganda ang kanilang buhay. Maraming umaasa na makakakain na sila ng tatlong beses sa isang araw at makakapag-aral na sila ng hindi inaalala na gagapang sa hirap ang kanilang mga ama, ina at kapatid. Pero, ang totoo. Wala pang kasiguraduhan kung ano ba talaga ang mangyayari sa hinaharap. Walang sinumang may alam kung gaganda ba ang pamumuhay sa Pilipinas o hindi. Walang nakakaalam kung masosolusyonan ba ang korapsyon o hindi. Dahil sa ngayon, ang tanging magagawa lang natin ay magumpisa sa sarili natin. Umpisahan nating gawin ang tama, at hindi ang gusto nating maging tama. Tigilan na natin ang crab mentality, at ang pagaasam na umangat dahil sa pinaghirapan ng iba. Kung gugustuhin natin, maiaahon natin sa hukay ang ating mga sarili, ngunit kailangan nating magsikap. Nang sa huli, wala tayong pagsisihan. At upang may maipamana tayong magandang aral sa mga sususnod pang mga henerasyon na kaya nilang ipagmalaki ng taas noo sa kahit kanino mang lahi na kukutya sa lahing Pilipino.
Hindi dahil sa marangal ang pinagmulang pamilya ng ating susunod na Pangulo, iisipin na natin agad na may solusyon na ang ating mga problema, dahil hangga’t hindi tayo natututong magsikap at paghirapan ang ating mga mithiin, kahit kailan, hindi matatapos ang ating problema. Kahit kailan, hindi mangyayari na aangat ang lahing Pilipino sa mundo.
Ngayon, kung tatanungin ako kung may solusyon na ba ang mga problema ng bansa ko dahil sa marangal at may integridad ang magiging pangulo sa susunod na anim na taon, isa lang ang isasagot ko, “Wala pa sa ngayon.” Dahil kung talagang gustong umangat ng Pilipino, hindi niya iaaasa sa isang tao lamang ang responsibilidad na ayusin ang sistema sa bansang ito. Bagkus ay tutulong sya upang magawang reyalidad ang minsa’y isa lamang pangarap na pagbabago. Dahil, wala sa isang tao ang kakayahan upang mapabangon ang bayan natin. Kundi nasa ating lahat. At kung hindi tayo aaksyon ngayon, baka maging bangungot at mauwi lamang sa wala ang maganda nating pangarap para sa ating bayan.
--END--