DISCLAIMER

Some pictures used in this BLOG are registered to their own respective institution. I, the BLOG owner, only used the images as reference pictures to further improve the entry where the respective images are being used.

-Ran Kei Shiro

Sunday, May 9, 2010

Eleksyon 2010: Aftermath







“Anong magagawa mo para sa bansa natin kung sakaling ikaw ang mahalal sa pwestong kinakandidatuhan mo?”

Ito ang madalas na naririnig nating tanong noong nakaraang dalawang bwan. Madaming kumandidato, madami ring natalo, at sigurado, mas marami ang magrereklamo na nadaya daw umano sila ng mga nanalong katunggali nila sa posisyon na minimithi nila. Pero, ano ba talaga ang magiging epekto ng eleksyong ito na hindi naging epekto ng ibang nakaraan nang eleksyon sa ating bansa?

Sa eleksyon ngayon, napakarami ang nabago, at subalit mayroon pa ring mga bagay na hindi nabago, at kahit kailang siguro, hindi na rin mababago. Maraming nagmimithi, maraming nagtatraydor, marami ring nasasaktan dahil sa eleksyon. Sa totoo lang, unang-una na sa mga pagbabagong ito ang gagawing paghahalal sa taong ito. Hindi na pagsusulat at pagbabasa ang paraan ng pagboto ngayon, sabi nga “itiman ang bilog na hugis itlog” na nasa tapat ng pangalan ng kandidatong gusto mong iboto. Hindi narin sulat at sandamak-mak na bilangan ang gagawin ngayon upang malaman kung sino ang nanalong kandidato. Ipapasok nalang kasi sa isang makina na tinatawag na PCOS machine ang papel na kung tawagin ay election ballots. Hindi katulad dati, iba na kasi ngayon ang balota na gagamitin ng mga boboto, bukod sa sobrang haba, computerized na din ito, o yung tinatawag na hard copy o printed out. Hindi na rin magsusulat ng pangalan ang mga boboto, katulad ng sabi ko kanina, iitiman na lamang. Dahil sa mga pagbabagong ito, kahit papano, medyo napigilan ng kaunti ang pandaraya, subalit mayroon pa ding mga taong gagawin ang lahat upang makuha lamang nila ang posisyon na gusto nila. Sa totoo lang, isa ako sa mga tutol sa automation ng eleksyon. Unang una nang dahilan ko, ang masyadong pagmamadali ng gobyerno na magawa ito. Subalit, bilang isang mamamayan lamang, hindi ko ito naipaabot sa nasa itaas. At kahit na maipaabot ko man ito, alam kong wala ring mangyayari, dahil sa bansang tulad nito, mas madalas na pinapaboran ang may kaya at may kapangyarihan. Maliban sa mga nabanggit ko na sa itaas, napakaraming dulot na hindi maganda ang eleksyong ito sa paligid. Dahil sa bago na rin ang teknolohiya ng pangangampanya, gumagamit na rin ng printed plastics at tarpaulin ang mga kandidato ngayon, na magreresulta sa dag-dag na kalat o basura na hindi nabubulok. Mabuti sana kung nirerecycle nung mga nagpagawa, ang kaso, tambak dito, tambak doon o ang mas malala, sinusunog pa nila para lamang mapaunti ang mga kalat nila. Hindi lamang sa kapaligiran mayroong dulot na hirap ang naging eleksyon na ito. Bukod kasi sa mayroon pa ding mga bumibili ng boto, naroon pa rin ang mga taong nagbebenta ng boto, naging hi-tech nga ang paraan ng pagboto at pagbibilang ng boto, hanggang ngayon, meron pad ding mga tinatawag na flying voters. Sa totoo lang, napakalaking dagok nito sa ekonomiya at sa face-value ika nga ng Pinas kung sakaling papalpak ang eleksyong ito. Bukod sa hindi lang mga Pinoy ang nakatutok sa mga nangyayari, napakarami ring ibang bansa ang nag-iisip at nagtatanong kung ano nga ba ang mangyayari o ano nga ba ang inaasahan ng tao na mangyari pagkatapos ng eleksyong ito. Maaari itong makaganda, subalit maaari ring makapangit lalo sa emahe ng ating bansa.

Bawat isa sa mga nakandidato bilang presidente o kahit sa pinakamababang posisyon lamang sa gobyerno, nangangako sa mga mamamayan ng isang buhay na mas magaan kaysa sa naranasan nila sa nakaraang administrasyon. Halimbawa, may mga politikong nangangako ng mas maraming trabaho, dahil sa nakita nilang kakaunti lamang ang trabahong naibigay ng administrasyong gusto nilang palitan. Mayroon ding mga nangangako ng bahay, mas pinagandang pagtuon ng pansin sa kalusugan, sa edukasyon, sa seguridad ng mamamayan at kung anu-ano pa. Subalit, mas madalas pa itong hindi naririnig kaysa nakikita. Ang ibig kong sabihin, mas madalas pa itong ipinapangako, kaysa nagagawa. Hindi na lingid sa kaalaman ng mga Pinoy na marami pa ding mga lugar sa Pinas ang walang kuryente. Meron pa ring mga lugar na maikli ang road network o ang kalsada. At sino nga ba naman ang hindi nakakaalam ng panganib na dulot ng mga rebeldeng grupo para sa mga kabataan na nakatira sa lugar kung saan sila nagkukuta? Ang mga problemang ito ay konti lamang sa mga problemang sa tingin ko ay kailangang unahin ng mga uupo sa pwesto kaysa sa sarili nilang bulsa. Ang mga problemang ito, kung masososlusyonan nila, ay siguradong magtatak sa isip ng tao kung gaano sila kagaling bilang president, o gobernador, o mayor, o kapitan. Kung tinatanong ninyo kung paano ko nasabi na ito ang mga pinaka-problema ng ating bansa, ito ay dahil sa napanood kong documentary. Hindi ko na sasabihin kung saan ko nakita o napanood. Pero, hayaan nyo akong isa-isahing ipaliwanag kung bakit ito ang nasabi kong mga problema na dapat pagtuunan ng pansin ng mga maluluklok sa pwesto bago ang kanilang sariling interes.

Konkretong Kalsada
Lingid sa kaalaman ng mga nasa patag, o yung mga nasa syudad, mayroon pa rin palang mga lugar sa ating bansa ang mayroong napakaikli o halos walang konkretong kalsada. Dahil sa hirap ng pagbyahe dulot ng mapuputik at bakubakong daan, madalas, ang simpleng pagbili lamang ng gamot, ay kailangan pang ibyahe ng mahigit sa limang oras. Ang ambulansya na dapat ay nasa ospital na ng kulang tatlumpung minuto, patay na ang pasyente bago pa makarating sa pinakamalapit na ospital. Sa totoo lang, sangayon ako sa sinabi ng reporter na tumutukoy sa problemang ito sa documentary na napanood ko. Ang problema kasi sa daan, sa lumaon, nagkakaroon ng sanga papunta sa problema sa kalusugan, problema sa edukasyon, at problema sa pinansyal. Dahil imbes na isang oras ka lang magbabyahe papunta sa ospital o sa high school o kahit para lang mag-benta ng iyong mga kalakal, kinukulang pa ang kahit limang oras para lamang magawa ito, na nagreresulta rin kinalaunan sa kahirapan at sa pagiging mang-mang ng mga tao na nabibilang sa mga parte ng Pilipinas na walang matinong kalsada.

Pagkain
Angpagkain ay isa sa mga nesesidad ng tao sa buhay. Pero, alam natin na marami pa ring mga tao sa iba’t-ibang panig ng bansa ang nagugutom dahilan sa hindi sila napagtutuunan ng pansin ng gobyerno. Ang iba, nasanay nang mais at kamote na inaani nila ang pangtawid gutom. Ang iba, kahit na mismong pagkaing itinapon na ng mga mayayamang mapagaksaya, kinukuha nila para lamang maitawid sa gutom ang mga kumakalam nilang sikmura. Minsan, mas gusto pa nilang magnakaw at mahuli, kesa sa magutom, sabagay, aanhin mo ba ang kalayaan kung mamamatay ka naman sa gutom. Minsan, mayroon na rin sigurong nakakapagsabi na “mabuti pa sa kulungan, hindi ka nga malaya, hindi ka rin naman gutom”. Kung titingnan, kahit mga tao sa kapatagan, minsan, ay talagang nagugutom din. Pero, mas madalas ito ay dahil sa kanilang sariling kawalan ng pagsisikap. Subalit, ang mga tao sa mga liblib na lugar, kahit na magsikap pa, mas madalas pa ding walang kinakain kaysa dun sa mga tamad na nasa patag. Ang sabi nga dun sa napanood ko, dalawang libong piso lamang ang kinikita nung pamilya na nainterview sa BUONG TAON,o anim na piso kada araw. Kung iisipin, paano mo mapagkakasya ang anim na piso sa pagkain kada araw. Kaya ang mga anak ng nasabing pamilya ay lumaki na na ang kinakain sa pang-araw-araw ay mais o di kaya’y kamote na inaani ng kanilang ama upang itawid sila sa gutom. Sa mga uupo sa posisyon ngayong eleksyon ito, hindi man ganoong kalaking kahirapan ang pagkain para sa kanila, sana’y mapagtuunan naman ng pansin ang mga pamilyang nagsisikap subalit nagugutom pa rin.

Tubig
Isa pa ito sa mga pinaka-kailangang bagay ng isang tao upang mabuhay. Pero ano nga ba ang gagawin mo kung mismong tubig na malinis upang inumin, wala ka? Anong gagawin mo kung ang tubig na malinis ay nagmimistulang luho na para sa isang barangay, o kahit para sa isang pamayanan? Kung sakaling natatawa ka sa binabasa mo ngayon, ako na ang nagsasabi, hindi ito katatawanan. Dahil, hanggang ngayon, mayroon pa ring mga lugar sa Pinas na walang malinis na tubig para inumin. Yung tipong tubig na dinumihan nila, tubig na inihian nila, ay ang tubig din na iikot sa kanilang mga poso upang kanilang inumin. Mahirap paniwalaan kung hindi mo makikita. Pero mahirap ding tanggapin kapag nakita mo na. Dahil, may mga taong nagpapakapal ng kanilang mga wallet sa pagsasabing gumagawa sila ng paraan upang bigyan ng mabuting buhay ang kanilang mga nasasakupan, tapos, makikita mong may mga ganitong pamayanan pa rin pala na kahit malinis na tubig lamang ay wala. Ano nga ba ang magiging dulot sa kanila ng eleksyong ito? Siguro, kahit na sinong mapaupo sa pwesto, wala pa ring magbabago, pero umaasa ako n asana, mayroong gawin, hindi magawa, kundi gawin ang gobyerno para mabigyan sila ng malinis na tubig, kahit lamang para sa kanilang inumin.

Kalusugan at medikal
Maniniwala ba kayo kung sasabihin kong mayroong lugar dito sa Pilipinas na ang doktor ay kailangang maglakad ng higit sa tatlong oras at sumusweldo ng kalahati sa dapat nilang sweldo para lamang makapagcheck-up ng mga may sakit sa isang lugar? Siguro, yung iba sa inyo maniniwala, subalit mayroon pa ring mga hindi. Ang problemang medikal ay isa sa mga pinakamailap o pinakamahirap solusyunan dito sa ating bansa. Bukod kasi sa may mga kapatid tayong hindi naniniwala sa makabagong paraan ng panggagamot, mayroon ding mga lugar na sa sobrang liblib, kailangan pang magbyahe ng lima hanggang walong oras para lamang marating ang pinakamalapit na ospital. Kung kaya’t ganito ding katagal ang aabutin para lamang makapaghatid ng tulong na medikal upang mapaganda ang kalusugan ng mga kapatid nating nasa mga liblib na lugar. Hindi katulad ditto sa patag, na binabalewala halos ang mga ospital dahil sa kahit sa halos pinakamaliit na baranggay ay may klinikang handing magbigay ng tulong sa mga nagkakasakit, sa mga lugar o barrio na nasa liblib na kabundukan, ang isang klinika ay halos isa nang paraiso sa sobrang dalang nito sa kanilang lugar. Pero, kung pagtutuunan ng pansin, maaaring magawan ng paraan. Yun nga lang, magagawan lamang ng paraan ang problemang ito, “kung” pagtutuunan ng pansin.

Trabaho at pinansyal
Lahat halos ng kandidato ngayon, trabaho ang ipinapangako. Bakit nga ba? Ito ay dahil sa dumarami ang walang trabaho sa ngayon. At kailangan pang pumunta ng ibang bansa para lamang magtrabaho. Ang iba nga, kahit sariling katawan ikinakalakal para lamang magkaroon ng pera pambili ng mga kailangan ng kanilang pamilya. Hindi lingid sa kaalaman ng bawat Pinoy na dumarami ang mga nagtatapos sa pagaaral kada taon, subalit, karamihan sa mga ito, hindi nagagamit ang pinagaralan dahilan sa kailangan nila ng trabaho upang maitaguyod ang pamilya nila. Kung kaya’t madalas din ang JOB MISMATCH dito sa Pinas. May mga pagkakataon pang pumapasok nalang ang mga kabataan sa magulo at maduming mundo ng pagkakalakal ng laman o yung pagbebenta ng panandaliang aliw, dahil sa katwirang “aanhin mo ang dangal kung kumakalam naman ang sikmura mo?”, kung sa bagay, sa isang banda, tama ang katwiran nila, subalit, hindi sana mangyayari ito kung sapat ang trabaho at competitive ang sweldo ng bawat isa dito sa Pinas. Maiiwasan sana ito kung ang mga nakaraang administrasyon ay tinupad ang kanilang mga pangako na nagpaasa sa mga mamamayang kanilang kinasasakupan. Sana, kung sino man ang maluluklok sa pwesto sa susunod na anim na taon, sana’y hindi lang isang pangako na napako ang kanilang mga sinabi, sana’y maging katotohanan at reyalidad ang mga sinabi nila na nagpaasa sa mga mamamayan ng Pilipinas.

Edukasyon
Ang edukasyon ang masasabi kong pinakaproblema ng bansa natin. Bukod sa kulang ang mga pasilidad ng gobyerno upang iakomoda ang dumaraming populasyon, kulang din ang mga materyales na kailangan sa pag-aaral tulad ng mga libro at upuan. Pero, bakit nga ba ito ang pinakaproblema sa ating bansa? Bukod kasi sa ito ang pinaguumpisahan ng lahat papunta sa kung saan man ang gustong marating ng mga kabataan, ito rin ang nagsisilbing tulay upang magkaroon ng sapat na kaalaman upang mabigyan ng chance para makapagtrabaho at makatulong sa kani-kanilang mga pamilya. Edukasyon din ang daan upang makaahon sa mga hirap ng buhay ang isang tao. Ang kaso, kung mismong edukasyon ang problema, pano pa sosolusyonan ang mga problema na nagmula dito. Sana, hindi lang hanggang sa pangako ang mga sinasabi ng mga kumandidato at mananalo sa eleksyong ito. Sana’y tuparin nila ang kanilang mga sinabi at ang kanilang mga tungkulin upang kahit papano, magkaroon ng liwanag ang mga madidilim na buhay ng ating mga kababayan.

Seguridad
Dahil sa tumitinding alitan ng gobyerno at ng mga rebeldeng grupo, ng mga magkakaaway na mga pamilya, at ng mga partidong nagbabatuhan ng bala, madaming inosenteng sibilyan ang naaapektuhan ng kaguluhan. Madaming mga kabataan ang gustong pumasok sa eskwelahan subalit napipigilan dahil sa panganib. Madaming naaapektuhan dahil sa mga alitang wala naman talagang basehan. O kung may basehan man, sobra namang babaw. Kung makikita lang sana nila ang mga kabataang nasasaktan at nahihirapan dahil sa mga ginagawa nila. At kung makukunsensya lang sana sila kapag nakita nila ang mga kabataang iyon. Malamang tumigil na sila. Ito ay panawagan hindi lamang sa mga nakaupo, uupo at nagaasam na makaupo sa pwesto sa gobyerno kundi para din sa mga taong kabilang sa mga pamilya o partidong nagpapatayan para lamang sa isang basehan na hindi naman konkreto. Maraming mga tao ang nadadamay dahil sa mga ginagawa ninyo. Maraming bata ang nasasaktan dahil sa mga inaasal ninyong mga matatanda. Kung ang kamumulatan ng mga bata ay kaguluhan, paano pa kaya pag tumanda sila, ano pa kaya ang alam nila? Hindi solusyon ang baril o itak, ang bala o talim sa isang problema. Masyado nang magulo ang mundong ito, sana’y wag na natin pang paguluhin.

Umpisa pa lamang ng pagupo ng mananalo bilang presidente sa eleksyon. At mayroon pa siyang limang taon at tatlong daan, animnapu at apat na araw, sana’y magawan nila ng paraan upang mapabuti hindi lamang ang kanilang mga sarili kundi pati na rin ang buhay ng kanilang mga nasasakupan. Hindi man ako nakaboto ngayon, patuloy kong titingnan at pupunahin ang mga bagay na sa tingin ko ay hindi tama na ginagawa ng magiging administrasyon ngayon. Sana kahit papano, bigyan nila ng tugon at pansin ang mga kababayan nating hindi basta-basta maabot ng tulong ng gobyerno. Dahil kung hindi nila ito magagawan ng paraan, malamang na mas dumami pa ang mga taong wala nang bilib at wala na ding pakialam sa gobyerno. Kaya ang tanong na iiwanan ko sa inyo, “Tama ba ang taong ibinoto mo, o, katulad ng mga nakaraang umupo sa upuan, mali at inuna ang sarili bago ang bayan at mga kababayan?”

--END--