WARNING: Ang mga susunod na mababasa nyo dito ay pawang ayon lamang sa aking mga puna. At dahilan na rin ng aking malikot at makulit na imahinasyon. Maaari na po kayong tumigil at i-click ang back sa mga oras na ito upang maiwasan ang pagtaas ng inyong mga kilay at pag-pula ng inyong mga muka. Kung kayo po ay mayroong violent reactions o mga hinanakit, maaari po lamang ay kumuha muna ng health certificate mula sa pinakamalapit na health center at saka magreklamo sa blog na ito sa pamamagitan ng comments.
Graduating students, seniors, super-seniors, candidates et cetera. Ganyang tawagin ang mga nagtatapos sa kanilang panahon sa paaralan. Kahit na galing ito sa elementarya, sa high school o kahit sa kolehiyo. Subalit, ano nga ba ang mga ginagawa o ang mga kalimitang ginagawa ng mga magsisipagtapos sa kani-kanilang mga paaralan kapag wala silang klase o kaya’y kapag nag-hihintay sila para sa kanilang susunod na klase? Sa entry na ito, sasabhin ko ang kalimitang nakikita kong ginagawa ng mga estudyanteng magsisipagtapos na. At dahil sa isa din ako sa kanila, eh, masasabi kong ginagawa ko rin ang ilan sa mga ito. So, umpisahan na natin ang pag list ng mga ito.
At number 5… Maglaro ng PSP o ng Nintendo DS
hala sige... Forward-Forward-Up-Down-A-B-A-B =))
Dahil sa ang technology ay accessible na sa lahat ng edad sa kasalukuyan, hindi na rin nakakapagtakang makakita ka ng PSP o ung Pleysteysyon Fourtable o ng Nintendo DS (Dual Screen) na hawak ng bawat estudyante. At naglalaro ng Tekken 6 o ng Nintendogs habang nasa loob ng isang aircon na room. Kahit sa isang public school man yan o mas lalo na sa isang private school. Ito na ata ang pangunahing laruan o paraan upang maglaro ng paborito mong computer game sa loob ng skul. Sa kadahilanang hindi naman madadala ang isang arcade upang magkarera at magdrift lang o ang isang 14” (inches) na TV at isang family computer upang magpalipas lamang ng oras para hindi mabagot sa paghihintay para sa next subject. Isa rin ito marahil sa mga dahilan kung bakit mas maraming nabagsak sa kanilang mga exams, dahil imbes na magaral ng ibinigay ng professor na hand-out, eh, nagpapalevel ng kanilang mga character sa Monster Hunter.
Sunod, ang nasa number 4… Makinig ng musika mula sa kanilang mga Mp3 o Mp4 player
I think I'm in-love... I think I'm in-love... with L... este You... =))
Mura nalang ang mga mp3 o mp4 players ngayon. Sa isang one stop media shop, sa halagang 300 piso, ay mayroon ka na agad na isang mp3 player na expandable pa ang memory o yung nalalagyan ng memory card. Ang pakikinig sa musika ay isa na marahil sa pinakamatandang paraan upang magpalipas ng oras. At hanggang sa mga panahong ito na tinatawag nang computer age, ay mabisa pa rin itong paraan dahil mas mura at mas maliliit na ang mga aparatong may kakayahan upang magpatugtog ng musika. Mas madali na rin itong gawin sa kasalukuyan dahilan sa ang mga aparatong ito ay kadalasang di-baterya lamang o di kaya nama’y mayroon nang mga “built-in” na baterya kung kaya’t nagiging mas mura at konbinyente na rin ang paggamit sa mga ito.
Ang nasa number 3… Pagcha-charge ng baterya ng cellphone, ng mp3 etc.
Oops full na ata
Halos lahat ng tao ngayon sa Pilipinas ay mayroon nang cellphone or cellular phone. Kahit nga yata isang nanga-ngalkal lamang ng basura sa estero ay mayroon nang cellphone na N70. Oo. Tama kayo sa nabasa nyo. N70! Yung Nokia na cellphone na mayroong 3G o 3rd generation technology na kayang kumuha ng video mo habang may kausap kang nakavideo din. At dahil mas mura na rin ang mga bateryang rechargeable ngayon, mas madalas pang may dalang mga charger ang mga estudyante kesa sa mga bolpen na mas kailangan nila sa kanilang pagaaral. Para sa kanila mabuti nang makalimutan ang bolpen o ang assignment na pinapapasa ng kanilang guro kesa ang makalimutan nila ang kanilang mga charger. Baka kasi mawalan ng charge ang mga baterya ng mga cellphone o na dala nila. Kung kaya’t isa ito sa mga pinakamadalas na ginagawa ng isang graduating student kapag nasa skul siya. Bukod nga naman sa tipid na sa kuryente sa bahay, pwede pang makipag-chismisan habang inaantay na mapuno ang karga ng battery. At hindi lang ang mga graduating students ang gumagawa nito. Lahat halos ng mga estudyante. Maliban sa isang kabarkada ko na walang cellphone.
Sa wakas malapit na tayo. Ang nasa number 2… Maglaro ng kahit na ano pa man
Drift paaaaaa!!
Magic the Gathering
Dahil sa sobrang nakak-bore kapag nakatunganga ka lang dahil sa time gap ng natapos mong subject at susunod mong subject, kadalasan naiisip na lang ng mga graduating students o ng mga estudyante na maglaro o magdala ng laruan na alam nilang makakapawi ng katamaran sa kanilang mga katawan. Maaaring ito ay isang Radio Controlled car na gumagamit ng tatlong AAA battery para sa mismong kotse at dalawang AAA battery para sa remote, o di kaya nama’y isang deck ng picture cards upang ilaban sa ibang deck. Maaaring iniisip ninyong hindi nangyayari ito. Subalit maniwala kayo sa akin, malamang na hindi nyo lang nakikita. Sa ibang mga lugar, lalo na dun sa mga sobrang curious na estudyante hindi lamang ito ang pagpipiliian nilang libangan. Minsan, ultimo “apoy”, pinaglalaruan nila. Oooopppss... Bago ka magisip ng masama at itaas ang kabilang kilay mo na hindi pa nakataas, liliwanagin ko muna. Imbis na maglaro, naninigarilyo na lamang sila. Pero dun sa ibang nakuha ang ibig kong sabhin, quiet nlang kayo. J
At ang pinakamadalas na gawin ng mga graduating students… Matulog
tulog na tulog ah...
Bilang isang graduating student, ibig sabihin nito ay natapos mo na ang karamihan sa mga subject mo at tanging ang mga “last year” standing na lamang ang mga maieenroll mo sa semester na ito. Ibig ring sabihin nito ay maaari kang mailagay sa isang section na sobrang aga ang klase dahilan sa wala nang ibang bukas pang section. Isa pang ibig sabihin nito ay lagi kang puyat dahil sa paggawa ng document ng thesis ninyo dahilan sa nagredefense kayo ng dalawang beses kung kaya’t sobrang kulang ka sa tulog. Konti lamang ang mga dahilan na iyan kung bakit kahit hindi gusto ng isang estudyante, napipilitan siyang matulog in between classes. Sa totoo lang, hindi maiiwasan. Lalo na kung halos apat na oras ang break mo bago magumpisang muli ang susunod mong klase. Sabi nga sa isang nabasa ko, “sa college, kahit hindi recess, parang recess pa din”. At ang tanging magagawa mo na lamang upang makabawi ang katawan mo sa puyat ay ang humanap ng isang room na tahimik ngunit malamig at doon umidlip. Medyo ingat nalang sa mga biglang pumapasok na instructors dahilan sa wala na silang room na magamit.
Ang mga nakalagay dito sa entry na ito ay totoong nangyayari. Hindi dahil sa kakulangan ng interes ng mga estudyante sa kanilang pagaaral kundi dahilan sa ito ay nakaugalian nang proseso ng ating katawan. Dahil sa iba't-ibang mga naranasan natin habang ating tinatahak ang daan ng buhay. Kasama nang nararanasan natin ang buhay ng isang estudyante. At kahit gustuhin man natin o hindi, kusang natatandaan ng ating katawan ang mga bagay na ginagawa natin sa pang-araw-araw.
Ang entry na ito ay hindi ginawa upang sirain ang imahe ng mga estudyanteng nasa mga larawan o ng eskwelahan na kanilang pinapasukan. Isa pa, sinadya ko rin na hindi ipakita ang mga mukha ng mga tao sa mga larawan para na rin sa seguridad. Ang entry sa blog na ito ay aking ginawa upang maipakita lamang kung ano ang mga napupuna at madalas kong nakikita. At bunga lamang ng aking makulit at malikhaing imahinasyon.
Matatapos na ang huling semestre sa buhay estudyante ko. Gusto ko pa bang magaral? Hindi ko masasagot ang tanong na yan. Subalit hindi ko rin isinasarado ang aking pintuan sa muling pagpasok sa pintuan ng isang eskwelahan na maaaring magbigay sa akin ng mga inpormasyon na hindi ko pa alam. Sa ngayon, ang pinapangarap ko lamang ay ang makatuntong sa entablado suot ang isang toga habang tinatawag ang aking pangalan at tumutugtog ang Graduation hymn sa likuran. Sa lahat ng aking mga nakasalamuha sa aking buhay estudyante, maraming salamat sa inyo.
Muli, hindi ko na naman malamang kung paano ito tatapusin kung kaya't....
-- END