New year o bagong taon, tulad ng alam nating lahat ay ang araw kung saan nagpapalit ng numero ang taon ng ating mga kalendaryo, mula sa Disyembre na huling bwan ng isang taon ay nagiging Enero uli at bumabalik na nman tayo sa umpisa ng isang taon.
Tapos na ang 2009, isang taon na nman ang nakaraan at nakalipas. Maraming mga pagsubok na naman ang ating napagdaanan at nalagpasan. Pero, natuto ba talaga tayo sa mga nangyari sa atin sa nagdaang taon? Naisaisip ba talaga natin ang mga kaalaman at mga leksyon na iniwan sa atin ng mga nakaraang taon?
Hanggang sa mga oras na ito, 10:44 ng gabi ng January 1, 2010, malamang na mayroon pa ring mga pamilya na hindi pa tapos sa pagsasaya dahil nakaraos sila sa nagdaang taon. Malamang ay, meron pa ring mga tambay sa may kalye na nag-iinuman at natagay sa sobrang saya dahil nasalubong nila ang 2010 ng buo ang kanilang mga katawan at hindi pa sila tinatamaan ng sakit sa atay dahil sa inaraw-araw na pag-iinuman nila. Subalit, hanggang sa mga panahon ding ito, ay mayroon pa ding mga umiiyak at hindi makapagsaya kahit na inabutan sila ng taong 2010, sa dahilang sa kanila lamang malinaw. Pero, kung titingnan natin, anu-ano nga ba talaga ang mga naging produkto ng pagpasok ng 2010? Sa mundo o kahit sa isang indibidwal lamang? Maaari bang mabago ng pagbabagong ito ang buhay ng isang indibidwal lamang? Dahil sa bagong taon na, isang countdown na may limang numero ang unang handog ko sa inyo. At pinamagatan ko itong, 2010: New Year’s Aftermath.
- Ang nasa pinakahuli, kaguluhan.
Likas na sa ating mga Pilipino na maging masayahin. Subalit, madalas, ang pagiging masayahin natin ang nagbibigay sa atin ng dahilan upang mapahamak ang ating mga buhay. Sa sobrang saya natin dahil sa nakaabot pa ng hanggang 2010 ang ating mga buhay, lalo na ang mga buhay nung mga taong wala namang ginagawa sa kanilang mga buhay kundi ang maginuman o humithit ng droga, o di kaya naman ay magnakaw at manakit ng ibang tao, minsan, sumosobra ang ating pagsasaya. Ang simpleng salu-salo sa isang hapagkainan na dapat ay masaya at mataimtim dahil kasama mo ang iyong mga mahal sa buhay, ay nauuwi sa sigawan, awayan, o minsan, ay sa sakitan. Sa isang simpleng biro lamang ng isang kasama mo sa bahay. Minsan, sigawan o sipaan na ang nagiging produkto o nangyayari matapos mabitawan ang birong iyon. Hindi naman maiiwasan na may uminit ang ulo dahil sa isang biro, malamang ay masama ang gising ng taong iyon o di kaya naman ay nasaktan sa narinig. Sa totoo lang, hindi naman masama ang kaunting sigawan o samaan ng loob sa isang pamilya. Mas napagtitibay kasi nito ang samahan ng bawat isa. Subalit, dapat alam din natin kung hanggang saan ang “boundary” ng ating sigawan o samaan ng loob. Dahil kapag sumobra, maaari nitong masira ang samahan ng isang pamilya. Dahil kapag masyadong nang nakakasakit ang mga sinasabi mo dahil sa bugso ng iyong nararamdaman, malamang na mauwi ito sa sakitan o minsan, patayan. Na may kung ilang beses na nating narinig at napanood na inuulat sa mga telebisyon at mga radyo. Kaya’t hanggang maaari, mas mabuti siguro na ilagay natin sa tamang lugar ang pagsasaya natin o yung tinatawag na moderation.
4. Sa ika-4, polusyon.
Dahil sa tradisyon dito sa atin na magpaputok o magsindi ng kahit anu mang maliwanag pagsapit ng oras ng bagong taon, hindi rin maiiwasan na magkaroon ng sandamukal na kalat sa mga kalsada. Hindi rin maiiwasan na ang mga kalat na ito ay iiwanan na lamang matapos ng kasiyahan. Sa panahon ngayon na sumosobra na ang pagbabago ng klima ng mundo o yung tinatawag na climate change, mukang mas pinapahalagahan pa ng tao ang pagpapaputok at pagsusunog ng kung anu-anong mga bagay kesa sa pagpigil ng tinatawag na green-house effect. Mas mahalaga pa sa kanila na makakita ng ilaw na unti-unting nawawala o ingay na naidudulot nito sa kapaligiran, kesa ang mismong kapaligiran. Mas importante pa sa mga tao ngayon na sabihin sa harap ng reporter ng T.V. pag naiterbyu sila na “Hindi kasi masaya kapag walang paputok.” Kesa sa seguridad ng kanilang mga anak. Sa mga ginagawa ng mga tao ngayon kapag sumasalubong sa bagong taon, di hamak na napakalaking porsyento ang nadadagdag sa carbon dioxide emission at sa noise pollution para lamang sa iilang minuto na itatagal ng mga “nagpapasayang” mga bagay sa kanila.
3. Sa ika-3, kalusugan.
Para sa mga Pilipino, napakahirap ng isang bagong taon kapag walang prutas o lechon o kahit anu mang handa sa hapagkainan pagsapit ng bagong taon. Bakit? Dahil ang mga Pilipino ay likas na mahihilig kumain, to put it bluntly, likas na matatakaw ang mga Pilipino. Dahil sa likas na hilig na ito, marami ang nauuwi sa pagkakasakit pagkatapos na pagkatapos ng bagong taon. Maliban kasi sa ang mga handa sa hapagkainan ay puno ng kolesterol, karamihan pa rito ay mga bagay na masasarap kaya’t kapag naumpisahan na, wala nang titigil na kumain hanggang sa mabusog. Na kinalaunan ay mauuwi sa pagtaas ng sugar content ng dugo ng mga may diabetes o ng blood pressure ng mga may high-blood. Mahirap nga naman kasing nakikita mong nagpapakasaya ang mga kasama mo sa bahay na kumakain, samantalang ikaw ay hindi. Kaya kahit na may sakit ka na tulad nito, kakain ka ng kakain hanggang sa masiyahan ka dahil sa busog ka na. Sabi nga “masarap ang bawal”. Kaya kahit anu pang ipagbawal sa isang Pinoy, pagdating ng handaan, asahan mo, talu-talo o away-away yan pagdating sa pagkain. Hindi dahil sa kakaunti lang ang pagkain, kundi dahil sa masasarap ang pagkain na sa isang beses na pagbabawal mo sa isang kapamilya mo na kumain ng pagkain na gusto nya, eh, malamang na isang “he!” ang matanggap mo.
2. Ang pumangalawa, samahan.
Hindi naman lahat ng ibinibigay ng pagsasaya sa bagong taon ay negative. Dahil kahit papano, meron pa din namang mga magagandang bagay na nangyayari sa pagsasaya kapag bagong taon. At isa na dito ang pagganda ng samahan. Dahil sa kasiyahan ang ibinibigay ng bagong taon, may mga nabubuo ding mga bagong samahan. At mayroon din namang napagtitibay pa ang samahan. Dahil sa masaya ang pagdiriwang ng bagong taon, nagkakasama ang mga magkakaibigan, nabubuo ang pamilya, at napatitibay pa ang pagsasamahan. Halimbawa, may mga village o yung mga subdibisyon na nagkakaroon ng party sa isang kalye. Napatitibay nito ang magandang samahan ng magkakapit-bahay na kailangan upang maging maganda ang turingan ng bawat isa. Maaaring nagkaroon ng hindi pagkakasunduan ang dalawang pamilya sa kalyeng iyon, subalit, habang nagkakaroon sila ng count-down sa pagsalubong ng bagong taon, at nagkakasiyahan, ang mga pagkakaibang ito ay naisasaisang tabi, ang mga samaan ng loob ay nawawala, at ang mga sakit na nararamdaman ay napapawi. Normal na ito kapag sinasalubong ang bagong taon. At napapatibay nito ang pagsasamahan ng bawat tao ng higit pa sa inaakala nila. Dahilan sa nakikita nila na kahit may mga pagkakaiba sa mga pananaw at gusto nila, nakikita din nila na hindi rin naman malabo na magkasundo sila sa ibang mga bagay pa. Nabibigyan nito ng dahilan ang bawat isa na kalimutan ang mga hidwaan na naganap noong nakaraang taon at magsimula muling kilalanin ang bawat isa.
1. At ang panghuli, sakit.
Dahil sa mahilig ngang magpaputok ang mga Pilipino, maraming nasasaktan dahil sa hilig na ito. Marami ang nasasabugan ng paputok sa kamay o kung saan-saan mang parte ng katawan. Habang mas nagiging mura ang mga paputok habang nagdadaan ang mga taon, mas nalalagay sa alanganin ang seguridad ng mga kabataan. Katulad na lamang ng mga piccolo, o yung mga paputok na hawig sa posporo na ikikiskis mo muna sa lalagyan niya upang pumutok. Dahil sa napakamura nito, kayang-kayang bumili ng isang walong taong bata ng isang kahon nito. Subalit ang kapalit naman nito ay ang disgrasya na maaaring mangyari sa batang gumagamit nito. Ang mga kwitis na sinisindihan tapos ay lumilipad sa ere bago pumutok, ay maaari ring makasakit kahit sa isang nagdadaan lamang. Dahil sa hindi naman sigurado na pataas lagi ang lipad nito, maaari itong mag-iba ng direksyon at pumunta o tumama sa isang tao na nagdaraan lamang. Maaari rin itong magsanhi ng isang sunog o iba pang mas malagim na kaganapan. Ang mga paputok na tinatawag na “Bawang” o yung “Pla-pla” o “Super Lolo” ay isa pa rin sa mga pinakasanhi ng mga kamay na lasug-lasog o mga mata na nabulag o mga tainga na nabingi. Dahil sa lakas ng mga ito, mamali ka lamang ng sindi o ng tapon, siguradong may mabibiktima. Siguradong may masasaktan. Siguradong may isusugod ang ambulansya papunta sa ospital. Subalit kahit anung paputok, ay wala pa ring tatalo sa baril. Oo. Baril, yung armas ng pulis o ng sundalo na nilalagyan ng bala sa magasin nito at pinapaputok. Hanggang ngayon kasi, mayroon pa ring mga walang kwentang pulis, kasapi sa mga ahensyang dapat ay nagpoprotekta sa mamamayan na gumagamit ng baril o yung mga taong may mga sariling baril, lisensyado man o hindi sa pagsalubong ng bagong taon. Hindi para makahuli ng mga masasamang loob, kundi upang itutok pataas ang baril nila tapos ay iputok ng walang alinlangan kung may tatamaan man ang bala na lalabas sa mga butas ng baril nila. Maraming beses na itong nangyari sa kasaysayan ng pagsalubong sa bagong taon. At hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin ito natitigil. Bakit nga ba hindi na lamang magingay gamit ang mga kaserolang butas at sandok na baluktot kesa magpaputok? Bakit hindi na lamang itodo ang radyo at sumayaw sa tugtugin kesa sa magsindi ng mitsa? Bakit hindi na lamang gumamit ng torotot sa pagiingay kesa sa magpalipad ng bala? Ang sagot, hindi ko alam. Maraming ibang paraan upang salubungin ang bagong taon, subalit, mas pinipili pa rin ng ibang tao ang alam nilang maaaring makasama o makadisgrasya sa kanila.
Kung mapapansin nyo, sa pagunlad ng tao sa mundo, marami ring maaaring maging pamalit sa mga bagay na nakakasakit sa atin. Yun nga lang, mas pinipili pa rin natin ang mga bagay na nagbibigay sa atin ng “thrill”, mga bagay na nagbibigay sa atin ng kaba, mga bagay na nagbibigay sa atin ng mga extra-ordinaryong karanasan. Ang ibasa mga ito ay maaari nating maiiwasan, pero nasa tao pa rin kung ano ang pipiliin nya. Ang mga bagay na maaaring masaya nga ngunit maaaring makasakit? O ang mga bagay na hindi gaanong masaya pero ligtas?
Ikaw? Oo, ikaw. Ikaw na nagbabasa nitong entry na ito sa mga oras na ito. Ikaw na nakatingin sa harap ng monitor mo at binabasa ang bawat letra ng entry na ito, ano ang pipiliin mo?