Hi guys, it has been a long time since I last posted an entry in this BLOG. For some reason, I have been busy with work. Medyo hectic kasi ang working time ko eh. Since kailangan kong umalis ng bahay ng 5 am at makakauwi naman ako ng between 8 – 9 pm. Well, enough with the reasons. And on with my topic today.
Madami nang nangyari since nung last post ko dito sa blog ko. Kung tama ako, ang last post ko nung June pa ay tungkol sa kung solved na ba ang problema ng Pilipinas dahilan sa isang premyadong anak ng dalawang itinuturing na martir ng ating bansa ang nahalal na pangulo. Simula noon, marami nang mga kaganapan, maganda at hindi maganda ang nangyari sa ating bansa. Nandyan ang SONA ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, o mas kilala ngayon sa taguring P-noy na sya mismo ang namili upang malapit daw umano sa puso ng sambayanang Pilipino. Nandyan din naman ang pagkamatay ni Bb. Pilipinas International Melody Gersbach at ang pagkakamali ni Miss Universe Philippines Venus Raj na ngayon ay mukhang nagiging sensational hit sa mga kabataan, ang “Major, major”. At, sino ba naman ang hindi makakaalam sa naging hostage taking na naganap sa Luneta noong nakaraang linggo lamang na nagdulot ng isa na namang malaking dagok sa pagkakaunawaan natin sa internasyonal na komunidad.
Kung iisa-isahin ko ang mga bagay na nangyari noong nakalipas na dalawang bwan ng hindi ko pagpopost ng kahit anong entry dito sa blog ko, malamang na, abutin ako ng dalawang araw para lamang idetalye ang mga saloobin ko tungkol sa mga kaganapang iyon. Kung kaya, pinili ko na lamang ang mga importanteng nangyari.
Unang-una na ang SONA o State of the Nation Address ng ating bagong upong pangulo na si P-noy noong ika-huling Lunes ng Hulyo, Hulyo 26, 2010. Maraming mamamayang Pilipino ang nagabang sa kanyang mga sasabihin, malamang unti-unti nang namumulat ang mga tao sa mga kaganapan dito sa ating bansa. At kahit ang mga delegasyon mula sa mga kaibigang bansa ng Pilipinas ay hinihintay din ang mga napapalaman sa mensaheng ito ng Pangulo. At dumating nga ang araw na hinihintay ng lahat, ang kauna-unahang SONA ni P-noy. Ang kauna-unahang report nya tungkol sa estado ng bansa sa mga mamamayan nito. Noong una, purong ingles ang kanyang ginamit. Malamang ito ay upang maunawaan ng mga opisyal ng ibang bansa ang kanyang pasasalamat sa kanilang pagdating. Subalit, hindi inaasahan ng lahat na sa purong Pilipino niya gagawin ang kanyang talumpati. Para sa akin, tama naman na Pilipino ang ginamit niyang salita. Bukod kasi sa mamamayan ng Pilipinas sya nag-uulat, naisip nya na hindi lahat ng Pilipino, nakakalungkot mang isipin, ay marunong o nakakaintindi ng ingles o ng banyagang wika. At pinapalakpakan ko sya dahil doon. Sa totoo lang, maganda sana ang mga binitiwan niyang salita, ang problema lang, mukang masyadong nahaluan ng politika at parang puro papunta nalang sa iisang tao ang kanyang mga sinasabing pagbatikos. Ang mga bagay na hinihintay ng mga mamamayan ang mismong mga bagay na hindi pa niya nasabi. At sa bandang huli, marami na naman ang kumwestyon o bumatikos sa mga binitawan niyang mga salita.
Sunod dito, ay ang pagkamatay ni Bb. Pilipinas International Melody Gerbasch ang muling nagpaingay sa mga TV screens. Na madali rin namang nawala o hindi na pinansin ng mga tao. Habang tumatagal tuloy, napapaniwala akong mas interisado na ang mga Pilipino sa hinaharap ng bansang Pilipinas kaysa sa mga showbiz na mga balita. Subalit kung sa showbiz lang din naman ang paguusapan, isa naman sa mga pinaka-in na usapan ngayon ang “Major, major” na pagkakamali ni Miss Universe Philippines Venus Raj sa kanyang tanong na, “What is one mistake in your life and what did you do to make it right?” (parang may grammatical error ah… pero yaan ko nalang J ). Naging instant internet, text at expression sensation ito agad, malamang sa loob ng limang oras lamang. At dahil din dito sa sagot niyang iyon, ay mayroong mga news network sa ibang bansa na binansagan siyang “Miss Perfect”, dahil di umano sa sagot niyang, wala siyang itinuturing na pagkakamali sa buhay niya. At sa tingin ng ibang mga “analyst” kuno sa field ng pagandahan, ang sagot niya ang nagpababa ng kanyang nakuhang grado kung kaya’t ikaapat na pwesto lamang ang kanyang napanalunan. Kung matatandaan natin, isa pang Pilipina ang umabot sa top five at muntik na ring makuha ang pinagaagawang korona ng Miss Universe, sa pangalang Miriam Quiambao. At pagkatapos nitong usapin na ito, bumamaba ang tingin ng mundo sa ating bansa, pagkatapos itaas ng kaunti ni P-noy, mas tiningnan ng ibang bansa ang pagkakamaling nasabi o naisagot ni Bb. Venus Raj sa Q & A ng Miss Universe.
Sabi nga, gumawa ka ng kahit ilang libong tama at isang mali, ang mali pa din ang mapupuna ng tao.
Kung ihahalintulad ko sa scoring ng basketball ang mga nangyari sa ating bansa nitong nakalipas na dalawang bwan, medyo ganto ang kalalabasan. P-noy SONA scores 1 para mapataas ang imahe ng ating bansa, SCORE: 1 – 0. Inaasahan ng ibang bansa na si Bb. Venus Raj ang mapapasama sa top 3 dahil consistent public favorite sya, SCORE: 2 – 0, subalit mas napuna ng mga hurado ang pagkakamali niya at tinagurian pa syang Ms. Perfect, SCORE: 2 – 2. Kumbaga, kung race to three ang laban, tabling-tabla lamang ang score. Subalit isang balita ang gumimbal sa buong Pilipinas at sa buong international community. At ito ang hostage taking sa luneta, or more precisely, sa Quirino Grandstand.
Agosto 23, 2010, pagsakay ko palang sa service, sinabi na ng isang kasama ko sa service na may hostage taking raw na nagaganap sa Quirino Grandstand sa Luneta Park o Rizal Park. Ang hinostage? Isang bus ng mga turistang intsik. Ang nanghostage? Pilipinong natanggal sa pwesto sa pulisya, may dalang M16 Rifle at iba pang armas. Isa na naman ito sa mga sobrang nagpababa sa tingin ng ibang lahi sa mga Pilipino. Pero, hindi rin naman lahat. Sa trahedyang ito, may mga namatay na Hong Kong nationals. Kung kaya, sobra-sobra ang pagkundena ng mga intsik sa mga kababayan nating mga Pilipino sa kanilang bansa. May mga pinatalsik sa kanilang mga trabaho, at sinasaktan o minamaltrato ng kanilang mga amo. Masyado kasing gineneralize ng mga intsik. Kumbaga, dahil sa nakita nilang iyon, sa kanilang paningin, lahat ng Pilipino ay pare-pareho. Nakita rin sa pangyayaring ito ang pagiging incompetent ng ilan sa mga pulis sa ating bansa. Bukod sa sobrang timbang, kaya’t hindi makakilos o makaaksyon ng mabilisan. Nakita rin dito ang pagiging pasaway ng mga kapwa nating mga Pilipino na imbes na magtago o umuwi na sa kanilang bahay dahil sa nakikita nilang mayroong nagaganap na hostage taking, nakigulo pa at nakiusyoso. Lumabas din ang pagiging pasaway ng media men, na imbes na sundin ang mga sinasabi ng may kapangyarihan o ng otoridad, ay tila gusto pang magpakamatay para lamang makakuha ng scoop. May mga kilalang tao, businessman at opisyal ang nagpalabas ng press statement na hindi sila natatakot na magpunta sa Pilipinas at hindi sila nagagalit sa mga Pilipino, dahil ito ay isang isolated case lamang. Para sa kanila, hindi lahat ng Pilipino ay tulad ni Mendoza (ang opisyal na nanghostake), at nagpapasalamat ako sa mga ganoon ang iniisip. Ngunit, wala naman akong masasabi o magagawa para pahupain ang galit na nararamdaman noong iba na nagagalit sa ating lahi. Kung titingnan kasi, mismong tayo ang nagpapababa ng tingin sa atin ng ibang lahi. Kung kaya’t kung ngayon susumahin ang score, SCORE: 2 – 8. Talong talo ang Pilipinas diba? Kahit sa NBA, wala atang naging score na ganyan. Kasi madalas, hanggang game 7 lang ang labanan, na nagbibigay ng madalas na 3 – 4 na score.
Hanggang ngayon, masasabi kong proud pa din akong maging Pilipino. Kahit na anong gawin ng kapwa ko. Ang kaso, kung gusto nating pataasin ang tingin sa atin ng ibang lahi, marami tayong pwedeng gawin, subalit, imbes na gawin natin ang nararapat, mismong tayo pa ang nagpapababa at nagpapasama ng ating imahe. Kung sinasabing ang Pilipino lamang ang pwedeng tumulong sa Pilipinas, kabaligtaran naman ang ginagawa ng iba sa atin. Itataas nga ng isa sa mga kababayan natin ang ating bansa, subalit maka-ilang ulit namang ibabagsak ng karamihan. At sa paglabas ng bola, tayo pa rin mismo ang talo. Pilipino, hanggang kailan mo ba ibabagsak ang sarili mong bansa? Hanggang kailan mo pahihirapan ang bansa mo at at kapwa mo para lamang maitaas ang sarili mo? Gusto kong itanong ang mga yan sa bawat isang Pilipino, pero alam kong hindi mangyayari yun. Kung kaya sa ngayon, ang tanging magagawa ko lang, ay iparating ang mga nararamdaman at iniisip ko sa pamamagitan ng BLOG kong ito.
Kung pwede lang sanang mabasa ng buong Pilipinas ang mga iniisip ko. Siguro pag dumating ang araw na iyon, kahit papano, malinawan sila, at kahit papano, makausad tayo ng kahit isang hakbang lamang papunta sa hinahangad natin.
-END-